INANUNSYO ng Department of Budget and Management (DBM) na halos dalawang milyong government workers sa buong bansa, kabilang ang military at uniformed personnel, ang makatatanggap ng kanilang midyear bonus simula ngayong Biyernes, Mayo 15.
May kabuuang P73.456 bilyon ang inilaan para sa pagpapalabas ng 2026 midyear bonus bilang bahagi ng pangako ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na kilalanin ang sakripisyo, dedikasyon, at mahalagang papel ng mga public servant sa paghahatid ng serbisyo publiko.
Ayon kay DBM Acting Secretary Rolando Toledo, maaga nang inilabas ang pondo para sa bonus upang matiyak ang napapanahong distribusyon nito.
“Tiniyak ng DBM na maagang nailabas ang kinakailangang pondo upang hindi maantala ang pagbibigay ng benepisyong ito,” ayon kay Toledo.
Dagdag pa nito, nasa hurisdiksyon na ng bawat ahensya ang aktwal na pagproseso at pagpapalabas ng midyear bonus para sa kanilang mga kwalipikadong personnel.
Sa ilalim ng DBM Budget Circular No. 2017-2, ang midyear bonus ay katumbas ng isang buwang basic salary ng empleyado.
Makakatanggap nito ang mga empleyadong nakapagsilbi nang hindi bababa sa apat na buwan mula Hulyo 1 ng nakaraang taon hanggang Mayo 15 ng kasalukuyang taon.
Kinakailangan ding nananatili pa rin sila sa government service “as of May 15” at nakatanggap ng satisfactory performance rating sa itinakdang evaluation period.
Kabilang sa kinikilalang service period ang aktuwal na serbisyo bilang regular, contractual, o casual employee sa national at local government, kasama na ang mga leave with pay.
Para naman sa mga empleyado ng local government units (LGUs), nakadepende ang pagpapalabas ng bonus sa pag-apruba ng kani-kanilang sanggunian at pagsunod sa mga kondisyon ng DBM Budget Circular No. 2017-2.
Binigyang-diin ni Toledo na ang napapanahong pagpapalabas ng bonus ay pagkilala ng administrasyon sa pagsusumikap, sakripisyo, at dedikasyon ng mga kawani ng gobyerno.
“Mula sa mga guro, nurse, sundalo, pulis, kawani ng gobyerno, hanggang sa mga nasa likod ng araw-araw na operasyon ng pamahalaan—ang bonus na ito ay simpleng pasasalamat ng gobyerno para sa inyong walang sawa, masipag, at tapat na paglilingkod sa bayan,” ani Toledo.
(CHRISTIAN DALE)
72 