7 PULIS SIBAK SA PAGNANAKAW NG ‘POGO MONEY’

SINIBAK na sa serbisyo ang pitong pulis kaugnay sa pagnanakaw umano ng perang nakumpiska sa isang POGO operation at gagamitin sana bilang ebidensya sa kaso.

Batay sa dokumento mula sa Directorate for Personnel and Records Management, kabilang sa mga tinanggal sa serbisyo ang dating CIDG cash evidence custodian na si Police Lt. Col. Joey Arandia at anim nitong tauhan.

Napatunayang guilty ang mga ito sa administratibong kasong Grave Misconduct, Grave Dishonesty, at Conduct Unbecoming of a Police Officer.

Sa ulat, naganap pa noong Oktubre 2024 ang operasyon ng CIDG sa One Bataan Compound sa Bagac, Bataan, isang hinihinalang POGO hub, para maghain ng search warrant kaugnay ng paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act of 2003.

Umaabot sa P141 milyon ang nasamsam sa operasyon.

Makalipas ang mahigit isang taon, naglabas ng omnibus order ang korte upang isauli ang pera bilang ebidensya sa kaso.

Noong Nobyembre 20, 2025, ibinalik ng mga operatiba ng CIDG ang pera ngunit nadiskubreng kulang ito ng mahigit P13 milyon.

Lumalabas din sa imbestigasyon na pinalitan umano ng boodle money ang bahagi ng pera upang magmukhang kumpleto ang halaga.

(TOTO NABAJA)

85

Related posts

Leave a Comment