MULING isinulong ni Senador Erwin Tulfo ang pagpasa ng Media Workers’ Magna Carta matapos ang naganap na barilan sa Senado kamakailan.
Tinukoy ni Tulfo na tila “tahasang pagsasawalang-bahala” sa kapakanan ng mga mamamahayag ang kakulangan sa proteksyon at benepisyong natatanggap ng mga ito sa kabila ng araw-araw na panganib na kanilang hinaharap.
Ikinabahala ng beteranong broadcaster-turned-senator ang sinapit ng mga reporter na nagko-cover sa Senado nang sumiklab ang kaguluhan noong Mayo 13.
“Malaki ang papel na ginagampanan ng mga mamamahayag sa paglalabas ng katotohanan kung ano ang tunay na nangyari sa barilan. Sino ba ang unang nagpaputok?” ani Tulfo sa panayam sa radyo.
Habang nagpapatuloy ang imbestigasyon, sinabi ng senador na dapat pinayagan ang media na makapag-cover sa mismong lugar ng insidente.
“Dapat ay hinayaan ng mga awtoridad sa pinangyarihan ang mga reporter at cameraman na mag-cover sa lugar,” ani Tulfo.
“Magsisilbi itong patunay na sumunod sa protocol ang mga security at law enforcement unit. Proteksyon din nila ito dahil kapag may presensya ng media, magdadalawang-isip silang magpaputok ng baril,” dagdag pa niya.
Binigyang-diin ni Tulfo na karamihan sa mga naipit sa putukan ay Senate beat reporters na walang sapat na pagsasanay para sa police o combat reporting.
“Halimbawa, ang Senate media ay hindi sanay sa mga ganitong uri ng barilan. Tiyak na na-trauma sila. May ilang reporter pang umiiyak habang nagla-live report. Ganoon katindi ang panganib na hinarap nila,” ayon kay Tulfo.
Dahil dito, muli niyang itinulak ang pagpasa sa Senate Bill No. 249 o “Magna Carta for Workers in the Media and News Industry Act,” na kabilang sa kanyang top 20 priority measures.
Layunin ng panukala na tiyakin ang minimum wage, overtime pay, night shift differential, security of tenure, hazard allowance, insurance, at iba pang benepisyo para sa mga manggagawa sa media.
“Ang panukalang ito ay hindi lamang tungkol sa pagpapabuti ng kabuhayan ng mga mamamahayag kundi pagkilala rin sa kanilang dignidad at karapatan habang sila ay nasa frontline ng malayang pamamahayag,” ani Tulfo.
“Ang insidente noong Mayo 13 sa Senado ay isa lamang sa mga araw-araw na panganib na kinakaharap nila. Ibigay natin ang suporta at benepisyong nararapat para sa kanila,” pagtatapos ng senador.
104 