UMANI ng batikos mula sa netizens ang naging pag-abstain nina Senador Juan Miguel Zubiri at Senador JV Ejercito sa botohan para sa pagpapalit ng liderato sa Senado nitong Lunes.
Ito ay matapos umugong ang mga usap-usapan na posibleng pumalit si Zubiri kay bagong halal na Senate President Alan Peter Cayetano sa oras na makabuo umano ito ng sapat na suporta mula sa mayorya at minorya.
Dahil dito, marami ang nagduda sa naging hakbang ng dalawang senador at iniuugnay ito sa umano’y “hidden agenda” at pagiging “safe play” para sa sariling interes pampulitika.
Matatandaang sa sorpresang rigodon sa Senado ay pinalitan ni Cayetano si dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III sa botong 13-9-2.
Labintatlong senador ang bumoto pabor kay Cayetano, siyam naman ang sumuporta kay Sotto habang dalawa ang nag-abstain—sina Zubiri at Ejercito—na sinasabing bumubuo umano ng tinatawag na “third bloc.”
Ikinagulat ng ilang netizens kung bakit pinili umano ng dalawa na huwag pumabor sa alinmang kampo gayong si Zubiri ay naging Senate Majority Leader sa ilalim ni Sotto habang si Ejercito naman ay Deputy Majority Leader ng dating mayorya.
Magugunitang noong mapalitan si Zubiri bilang Senate President ni dating Senate President Francis “Chiz” Escudero noong Mayo 2024 ay naging emosyonal ito sa plenaryo at sinabi noon na ipinaglaban niya ang “independence ng Senado” laban sa umano’y impluwensiya ng puwersa sa labas ng institusyon.
Sa panayam ng programang “Ted Failon and DJ Chacha” sa 105.9 True FM, sinabi ng political scientist na si Cleve Arguelles na “disappointing” umano ang naging hakbang nina Zubiri at Ejercito.
Ayon kay Arguelles, hindi magandang indikasyon sa pananagutan ng mga lider ang pag-iwas na pumili ng malinaw na panig sa panahon ng malalaking pagbabago sa institusyon.
Aniya, nag-iiwan ito ng malaking tanong sa publiko kung nasaan ang prinsipyo ng mga halal na opisyal kapag dumarating ang mahahalagang desisyon.
Samantala, sinabi naman ni Atty. Ruphil Fernandez Bañoc sa programang “Straight to the Point” sa DYHP RMN Cebu na ang pagpili ng liderato sa Senado ay usaping konstitusyonal na hindi dapat daanin sa “safe play.”
“Hindi puwedeng nagpapaka-neutral lang. Ang pagboto sa pinuno ng Senado ay isang pangunahing tungkulin na nangangailangan ng paninindigan at hayagang tindig sa harap ng taumbayan,” ani Bañoc.
Sa social media platform na X at Reddit, marami ring netizens ang nagpahayag ng pagkadismaya at galit sa umano’y kawalan ng paninindigan ng dalawang senador.
“Hindi namin kayo ibinoto para lang maging tagapanood sa Senado. Binabayaran kayo mula sa buwis ng bayan para magdesisyon, hindi para mag-neutral kapag nagkakagulo ang pulitika,” ayon sa isang viral na komento ng netizen.
May ilan ding nagsabing ang tinatawag na “third bloc” ay tila estratehiya lamang umano para sa “political survival” patungo sa 2028 elections.
“Puro re-election math ang iniisip. Takot silang pumili ng panig kasi baka maiwan sila sa ere sa 2028. Ginamit pa ang terminong ‘independent third bloc’ para lang pagtakpan ang safe play,” ayon pa sa isa pang online comment.
Sa kabila nito, wala pang opisyal na pahayag sina Zubiri at Ejercito kaugnay sa mga kumakalat na espekulasyon at puna sa social media.
81 