HANDANG magbigay ng libreng serbisyong legal ang Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) sa pulis na nag-viral matapos umanong manulak ng kapwa motorista habang nasa kalsada.
Sa Facebook post ni Atty. Ariel Inton, presidente ng LCSP, sinabi nitong napanood nila ang buong video ng insidente at batay umano rito ay hindi ang pulis ang nagsimula ng gulo.
Bago pa man lumabas ang kumpletong video, sumuko na ang pulis, dinisarmahan, at nahaharap na sa administratibo at kriminal na kaso. Naglabas na rin ito ng public apology.
Pumasok na rin sa usapin ang Land Transportation Office (LTO) at ipinataw ang preventive suspension sa lisensya ng pulis.
Sa kumpletong video, makikitang hinabol umano ng complainant ang pulis habang tila inaasar pa ito kahit sinusubukan nang umiwas sa gulo ng huli.
Ayon pa kay Inton, alam umano ng complainant na pulis ang kanyang hinahabol dahil nakauniporme ito at mistulang video content aniya ang habol ng rider matapos nitong sabihin na “Nasa video ka.”
Binanggit din ni Inton na bagama’t delikado ang pagtulak ng pulis habang umaandar ang motorsiklo, wala umano itong “intent to kill” upang masampahan ng frustrated murder case.
Ngunit pahayag ni Inton, “Kahit sa paraan ng pananalita ng complainant ay maangas at walang galang. Okay, delikado na itinulak ng pulis ang rider sa kalye habang tumatakbo pero “wala siyang intent to kill” para kasuhan siya ng frustrated murder na isasampa laban sa kanya matapos [mababaan] ang NAPOLCOM sa kasong reckless imprudence resulting to physical injuries”.
Nauna nang napaulat na hindi nasiyahan ang National Police Commission sa kasong reckless imprudence resulting to physical injuries kaya nais nito ang mas mabigat na kaso laban sa pulis.
Sinabi ng LCSP na handa ang kanilang mga abogado na tumulong sa viral na pulis kung kakailanganin nito ng legal assistance.
122 