Isinusulong sa Kamara 70-ANYOS PA LANG DAPAT MAY P25K CASH GIFT NA

ISINUSULONG ni Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima ang pagbibigay ng mas maagang ayuda at cash benefits sa mga senior citizen sa ilalim ng House Bill No. 9170.

Layunin ng panukala na amyendahan ang Republic Act No. 11982 upang mapalawak ang sakop ng mga benepisyaryo at madagdagan ang matatanggap na cash incentives ng mga nakatatanda.

Ayon kay De Lima, bagamat kinikilala ng umiiral na batas ang mga senior citizen na umaabot sa edad 80 hanggang 100, marami umanong Pilipino ang hindi na umaabot sa ganoong edad upang makinabang sa mga benepisyo.

“Our existing laws rightfully seek to honor the Filipino elderly who reach the milestone ages of 80, 85, 90, 95, and 100 by providing them with cash benefits. However, most of our countrymen do not live long enough to receive these benefits,” paliwanag ni De Lima.

Sa ilalim ng panukala, makatatanggap ng:
• P25,000 cash gift ang mga edad 70
• P50,000 para sa edad 80
• P75,000 para sa edad 90

Sa kasalukuyang batas, tig-P10,000 lamang ang natatanggap ng mga senior citizen pagsapit ng edad 80, 85, 90, at 95 habang P100,000 naman sa mga centenarian o umaabot ng 100 taong gulang.

Base umano ang panukala sa ulat ng Philippine Institute for Development Studies noong 2021 na nagsasabing nasa 71 taon lamang ang life expectancy ng mga Pilipino.

Binanggit din ni De Lima ang pag-aaral ng World Bank noong 2024 na nagpapakitang nasa 70 taon ang average life expectancy sa Pilipinas.

“Our elders deserve better service, protection and support from our government and society through policies that are truly responsive to their needs and concerns,” ani De Lima.

Dagdag pa nito, hindi umano dapat ipagkait sa mga senior citizen ang mga benepisyong maaari pa nilang mapakinabangan habang sila ay malakas at buhay pa.

(TINA MENDOZA)

72

Related posts

Leave a Comment