PINANINDIGAN ng Malakanyang na hindi inatake ng mga armadong grupo ang Senado noong nakaraang linggo para arestuhin si Senador Ronald “Bato” dela Rosa.
“Was it under attack? It was not. The Senate was not under attack, you can see that in the news. It was a statement only by Senate President Alan Cayetano,” ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary and Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.
Matatandaang iginiit ni Cayetano na inatake ang Senado nitong Miyerkoles at hindi umano gawa-gawa lamang ang insidente para makaalis si Senador Dela Rosa.
“The Senate was under attack,” emosyonal na pahayag ni Cayetano.
“All of you — your lives were in danger last night. I know it’s your job to ask a question but you will tell me kapag may nagpaputok, hindi under attack ‘yun? My God, we’re a democracy. This is the Senate of the Philippines,” dagdag nito.
Batay umano sa paunang imbestigasyon ng Department of the Interior and Local Government, sa 32 putok ng baril ay 27 umano ang nanggaling sa security personnel ng Senado o Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA).
Ayon pa kay Cayetano, unang nagpaputok umano ng warning shots ang OSAA bago gumanti ng putok ang armadong grupo.
“Kapag sinabi na kami muna ang nagpaputok at umatras sila o sinabing guard sila ng GSIS, sabihin n’yo baka ito ay gawa-gawa lang,” ani Cayetano.
“Pero nag-caucus kami dito. Hinihintay ang Articles of Impeachment… Napakagaling ko naman mag-orchestrate ng lahat ng ‘yan. Kaya ko papuntahin dito mga armadong grupo,” dagdag pa nito.
Sinabi rin ni Cayetano na kung nais umano nilang palabasin si Dela Rosa sa Senado ay madali lamang itong magagawa dahil wala namang arrest warrant laban dito.
“If Sen. Bato and I wanted to plan him going out, it’s very simple, sumakay siya sa kotse ko and I’ll bring him out. Hindi naman siya under arrest eh,” paliwanag ng senador.
(CHRISTIAN DALE)
68 