COBRA NAGHASIK NG TAKOT SA LUCENA

NAGDULOT ng matinding takot sa mga residente ang isang cobra matapos itong mamataan sa gilid ng mga bahay sa Purok 3B, Barangay Dalahican, Lucena City noong Linggo ng umaga.

Ayon sa mga residente, ilang araw nang namomonitor ang ahas na pinaniniwalaang nagtatago sa septic tank at unang nakita sa ilalim ng bahay ni Reynalyn Villones, pati na rin sa ilalim ng kanilang tulugan.

Agad itong ini-report sa barangay dahilan para maglabas ng babala sa mga residente upang maging alerto at iwasan ang lugar na posibleng pinagtataguan ng ahas.

Muling namataan ang cobra matapos lumabas sa makitid na espasyo sa pagitan ng dalawang bahay, na nagdulot ng panic sa ilang residente.

Ayon sa may-ari ng bahay na si Veronica Latuna, muntik na siyang himatayin sa takot nang makita ang mahigit isang metrong ahas sa kanilang bakuran, at nagpapasalamat siya na hindi ito nakapasok sa kanilang bahay kung saan naroon ang kanyang asawang may kapansanan.

Agad namang nagresponde ang barangay officials, katuwang ang snake handler na si Cobra King, at matagumpay na na-rescue ang tinatayang babaeng Philippine cobra.

Dinala at isinuko ang ahas sa mga kinauukulan habang nilinis ng mga residente ang paligid, bagama’t nananatili ang pangamba na maaaring may iba pang mga ahas na nagtatago sa lugar.

(NILOU DEL CARMEN)

83

Related posts

Leave a Comment