SA kabila ng pagkawala ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa pagpapatuloy ng sesyon ng Senado, nanatiling matatag ang liderato ni Senate President Alan Peter Cayetano matapos mapanatili nito ang suporta ng mayorya ng mga senador.
Tanging si Senador Dela Rosa ang absent sa sesyon matapos nitong lisanin ang gusali ng Senado noong madaling araw ng Mayo 14, 2026.
Bago ang pagbubukas ng sesyon, nagpahayag si Cayetano ng kahandaan sa anomang maaaring mangyari sa kanyang Senate presidency.
Gayunman, tiniyak nitong buo pa rin ang suporta ng 12 senador na bumoto upang manatili siya bilang Senate President.
Kabilang sa mga sumuporta kay Cayetano sina Senadora Camille Villar, Senadora Imee Marcos, Senadora Loren Legarda, Senadora Pia Cayetano, Senador Robin Padilla, Senador Rodante Marcoleta, Senador Mark Villar, Senador Francis “Chiz” Escudero, Senador Jinggoy Estrada, Senador Joel Villanueva at Senador Christopher Lawrence “Bong” Go.
Naging sorpresa ang biglaang pagdalo ni Senador Dela Rosa noong isang linggo sa sesyon na bumuo sa bilang na 13 para manalo si Cayetano bilang pinuno ng Senado kapalit ni dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III.
Ayon pa kay Cayetano, hindi na bago ang usapin ng pagpapalit ng liderato sa Senado.
Samantala, sinabi nina Senador Juan Miguel Zubiri at Senador JV Ejercito, na kapwa bumoto ng abstain sa Senate presidency, na mananatili sila sa hanay ng minorya.
Dahil dito, umabot na sa 11 ang miyembro ng minority bloc ngunit kulang pa rin sila ng dalawang senador upang makakuha ng sapat na bilang para sa Senate presidency.
91 