DOJ sa PNP at NBI: ARESTUHIN SI SEN. BATO

IPINAG-UTOS na ng Department of Justice ang pagtugis at pag-aresto kay Sen. Ronald dela Rosa kaugnay ng kinahaharap nitong kaso sa International Criminal Court.

Ibinaba ng DOJ ang kautusan sa Philippine National Police at National Bureau of Investigation matapos ang media briefing ni Justice Secretary Frederrick Vida.

Ayon kay Vida, itinuturing na ng pamahalaan na pugante si Dela Rosa hangga’t hindi ito humaharap sa kasong may kaugnayan sa madugong kampanya kontra droga noong administrasyon ni dating pangulong Rodrigo Duterte.

“Senator Bato is a fugitive from justice and he should be brought to the ICC to face the charges before him,” ani Vida.

Ginawa ng kalihim ang pahayag isang araw matapos ibasura ng Supreme Court of the Philippines ang hiling ni Dela Rosa na temporary restraining order kaugnay ng warrant of arrest na inilabas ng ICC.

Binigyang-diin ni Vida na “valid” ang arrest warrant laban sa senador at wala na rin umano ito sa protective custody ng Senado. Wala rin aniyang inilabas na interim order ang Korte Suprema.

Tumanggi naman si Vida na talakayin ang operational matters nang tanungin kung agad bang dadalhin si Dela Rosa sa The Hague o mananatili muna ito sa kustodiya ng PNP sakaling maaresto.

(JULIET PACOT)

98

Related posts

Leave a Comment