CLICKBAIT ni JO BARLIZO
“KUMUSTA ka na, Nalulungkot ka rin ba?
Sana ay kapiling kita…”
Napapakanta na rin ba kayo? Sino ba naman mag-aakala na babalik sa ating kamalayan ang pamosong kanta ni Rey Valera dahil sa serye sa Senado.
Habang idinadaan natin sa kanta ang masalimuot na mga ganap sa upper chamber, dito muna tayo sa seryoso.
Kumustahin naman natin ang lagay ng ekonomiya at presyo ng bilihin at serbisyo.
Nangungumusta na tayo dahil parang walang nangyayari sa ginagawang hakbang ng gobyerno sa pagtugon sa kritikal na isyu tulad nito.
Nangungumusta tayo at baka sa takot sa sitwasyon ng buhay ay marami na ang umiiyak.
Ikinababahala naman pala ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang stagflation na maaaring mangyari habang patuloy na nararanasan ng Pilipinas ang taas-presyo ng langis.
Ang stagflation ay kombinasyon ng mataas na inflation, walang pag-unlad na ekonomiya, at tumataas na bilang ng walang trabaho.
Nangumusta na tayo. Bahala na ang gobyerno sa kanilang mga plano at hakbang para mayroon naman mangyari.
Eto naman kasing ‘parang walang nangyari’ statement ni Sen. Risa ay nagpaiyak sa ‘takot na takot’ na si Sen. Pia. Sa totoo lang, medyo naawa ako sa ilan sa majority pero hindi ko masisisi ang mga netizen kung ginawa silang meme.
Paano mo nga naman kasi sila kakamustahin pa e panay naman ang live nila during at after ng putukan. Heto pa, mukha namang masaya sila habang kumakain o nagkakape at may huntahan din matapos ang putukan. May picture taking pa nga! Dun sila nagkamali dahil mabilis kumalat ang mga larawan sa social media na ginagamit ngayong resibo para sabihing ‘staged’ ang mga pangyayari.
Buhay nga naman. Ang mga politiko ay naturingang serbidor ng publiko pero sila ang pinagsisilbihan.
Dapat nang magwakas ang drama, aksyon at iyakan sa Senado.
Maraming pasaring na ang publiko. Anila, may mga artista na naging senador, at ngayon may mga senador na artista na raw. Binigyan na nga ng acting award ng netizens ang marami sa kanila.
Kaya dapat lang na bilisan ng administrasyon ni PBBM ang pagpapa-imbestiga para matuldukan na ang mga haka-haka at tsismis sa putukan sa Senado.
Ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro, iniutos na ni President Marcos ang imbestigasyon sa insidente at tiniyak sa publiko na pananagutin ang mga dapat managot sa nangyaring kaguluhan.
Sana nga nang matapos na ang drama sa entablado na dapat ay tanghalan para sa interes ng bansa at kapakanan ng taumbayan ang bida.
Sana rin, gaya ng nauna nating panawagan, na suhestyon din ng isang mambabatas, ay gawin ang imbestigasyon ng independent body upang masigurong patas at walang kinilingan ang paghahanap ng katotohanan.
Nakakaumay na ang mga kabanata ng drama. Inaabuso na ang tiwala ng publiko.
Pero, may ambag din ang ibang tao kung bakit sila ay inaabuso ng makapangyarihan dahil sila ang nagbukas ng pinto para makapasok ang mga ito sa silid ng katungkulan.
Iniluklok na sa puwesto, tapos sasambahin pa.
Kapag nauntog na at napagtanto ang pagkakamali ay magsisisi at magbabantang maniningil.
Kaya lang sa botohan pa sisingilin ang nambola sa kanila.
Hindi ngayon, hindi bukas. Pagdating pa ng panahon ng eleksyon. Ang masaklap, pagdating ng botohan at may nag-abot ng supot ng groceries at pasobre, goodbye resbak, boto ulit ng korap!
91 