PINABULAANAN ng Malakanyang ang mga ulat na nag-uugnay kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa umano’y corruption scandal at sa isang London-based public relations firm na sinasabing kinuha upang “i-rehabilitate” ang kanyang imahe sa international community.
Sa Viber message sa mga mamamahayag, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na wala silang komento sa naturang ulat.
“We have no comment on articles based on speculation and intrigue. The Palace deals in facts and is focused on the problems facing Filipinos today, not speculation about events years ago,” ani Castro.
Tinukoy ni Castro ang investigative report ng Whale Hunting na inilathala noong Mayo 19, kung saan sinabing ang London-based PR firm na Project Associates ay umano’y nag-alok kay Pangulong Marcos ng $144,000 kada buwan o katumbas ng humigit-kumulang P8.9 milyon na kontrata noong 2022.
Ayon sa ulat, layunin umano ng kompanya na i-rehabilitate ang international image ng Pangulo, mag-organisa ng pagpupulong sa Western elites, at pangasiwaan ang mga tanong hinggil sa diktadura ng kanyang ama.
Binanggit din sa ulat na ang tagumpay ni Marcos noong 2022 elections ay umano’y nakinabang sa “historical revisionism” at isang “sophisticated” online disinformation campaign na naglalarawan sa diktadurang Marcos bilang “golden age.”
Iniugnay rin sa ulat si Pangulong Marcos sa Malaysian businessman na si Jaya Sudhir, na umano’y nasangkot sa international bribery at corruption scandals.
Binanggit din sa artikulo ang umano’y pagkakadawit ni dating House Speaker Martin Romualdez sa flood control scandal na lumutang noong 2025.
(CHRISTIAN DALE)
110 