TINAWAG ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na “overkill” ang umano’y paulit-ulit na pagpapaputok ni suspended Sergeant-at-Arms Mao Aplasca.
Batay sa resulta ng imbestigasyon ng PNP-CIDG, sinabi ni CIDG Director PMGen Robert Morico II na nasa 44 na basyo ng bala ang nakolekta mula sa apat na baril.
Sa bilang na ito, 36 na basyo ang narekober sa indoor firing area habang walo naman ang mula sa outdoor area.
Apat na baril ang ginamit sa pagpapaputok, kabilang ang tatlong pag-aari ng Office for the Security and Safety Affairs (OSAA) at isa mula sa National Bureau of Investigation (NBI).
Lumabas din sa imbestigasyon na 26 na basyo ng bala ang nakuha mula sa umano’y service firearm ni Aplasca.
Tinawag itong “overkill” ng CIDG dahil sa dami ng bala umanong pinaputok kumpara sa limang putok lamang mula sa panig ng NBI.
Dahil dito, sinabi ni Morico na posible umanong maharap si Aplasca sa kasong paglabag sa Republic Act 11917 o Private Security Services Industry Act.
Sa ngayon, hindi pa rin humaharap sa CIDG si Aplasca sa kabila ng pagpapatawag dito.
(TOTO NABAJA)
94 