NANGAKO ang Malakanyang na kikilos alinsunod sa umiiral na batas kaugnay ng pagsisilbi ng warrant of arrest laban kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa.
Ito ang sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro matapos ianunsyo ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na inatasan na ang Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) na arestuhin ang senador.
“Maliwanag ang sinabi ng DOJ na enforceable ang warrant of arrest laban kay Sen. Bato,” ani Castro.
“Karampatang aksyon na naaayon sa batas ang maaasahan mula sa gobyerno. Lahat ay gagawin ng ating mga opisyal para maibigay ang hustisya sa lahat,” dagdag niya.
Nauna rito, ibinasura ng Korte Suprema ang kahilingan ni Dela Rosa na magpalabas ng temporary restraining order (TRO) at/o status quo ante order (SQAO) laban sa arrest warrant na inisyu ng International Criminal Court (ICC).
Sa press briefer nitong Miyerkoles, Mayo 20, 2026, sinabi ng SC na sa botong 9-5-1 ay ibinasura ng En Banc ang kahilingan ni Dela Rosa para sa interim relief.
Hiniling ni Dela Rosa sa SC na pigilan ang mga ahensya ng gobyerno sa pag-aresto sa kanya batay sa anomang warrant na inilabas ng ICC, Interpol red notice o diffusion, o anomang banyagang judicial o quasi-judicial na instrumento nang walang katumbas na Philippine judicial warrant.
Kabilang sa mga respondent agencies ang Department of the Interior and Local Government, Department of Justice, Department of Foreign Affairs, Philippine National Police, National Bureau of Investigation, Bureau of Immigration, Armed Forces of the Philippines, at Criminal Investigation and Detection Group.
Nilinaw naman ng SC na ang inaksyunan lamang nito ay ang kahilingan para sa interim relief at hindi pa ang pangunahing legal na isyu sa kaso.
Inanunsyo rin ng SC na ia-upload sa website nito sa Mayo 25, 2026 ang buong resolusyon, kabilang ang magkakahiwalay na concurring at dissenting opinions ng mga mahistrado.
Nananatili ring nakabinbin ang mga pangunahing petisyon na inihain nina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Dela Rosa.
Noong nakaraang linggo, tinangka ng mga ahente ng NBI na arestuhin si Dela Rosa sa Senado batay sa arrest warrant na inilabas ng ICC.
May kaugnayan ang warrant sa umano’y partisipasyon ni Dela Rosa sa madugong war on drugs ng nakaraang administrasyon.
(CHRISTIAN DALE)
89 