IPINALIWANAG ni Atty. Ariel Inton ang kahalagahan ng magiging desisyon ng Korte Suprema sa kaso ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa kaugnay ng usapin sa International Criminal Court (ICC).
Ayon kay Inton, na siya ring presidente ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP), ang mga desisyon ng Korte Suprema ay nagiging bahagi ng batas at kasaysayan ng bansa.
Sinabi ni Inton na bagama’t ibinasura ng Korte Suprema ang hiling ni Sen. dela Rosa para sa temporary restraining order (TRO), hindi pa umano tapos ang kaso.
Aniya, nilinaw mismo ng Korte Suprema na ang denial ay tumutukoy lamang sa interim relief habang patuloy pa ring dinidinig ang substantive issues kabilang ang hurisdiksyon ng ICC at ang pagpapatupad ng arrest warrants sa kabila ng pagkalas ng Pilipinas sa Rome Statute.
Ayon pa kay Inton, maaaring ipatupad ang ICC warrant dahil hindi nakita ng Korte Suprema ang “extreme or urgent necessity” para agad magpalabas ng TRO o status quo order laban sa local at international enforcement agencies.
Sinabi rin niya na maaari pa ring arestuhin si Sen. dela Rosa ngunit dapat umanong sundin ang itinakdang proseso sa ilalim ng Rules of Court.
Binanggit ni Inton ang Rule 113 Section 3 na nagsasaad na tungkulin ng mga otoridad na dalhin ang inaarestong akusado sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya o kulungan nang walang hindi kinakailangang pagkaantala.
Ayon pa kay Inton, isa rin sa mahahalagang isyung dapat pagdesisyunan ng Korte Suprema ay kung kinakailangan bang dumaan muna sa lokal na hukuman bago maipatupad ang ICC warrant.
Dagdag pa ng abogado, mahalagang mailabas ng Korte Suprema ang pinal nitong desisyon bago pa magkaroon ng panibagong pag-aresto kaugnay ng ICC investigation.
93 