IMEE, GUANZON NAKATIKIM KAY PING

KAPWA pinasaringan ni Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson sina Senador Imee Marcos at Atty. Rowena Guanzon bilang tugon sa patutsada ng mga ito kamakailan.

Minaliit ni Lacson ang mga inilalabas at ilalabas pang impormasyon ni Marcos matapos sabihin ng huli na mayroon siyang ‘pasabog’ sa kanyang privilege speech ngayong Lunes, May 25.

“Karamihan naman ng pasabog nya kwitis lang,” pasaring ni Lacson.

Samantala, kinatigan ni Senador Vicente ‘Tito’ Sotto III ang naunang pahayag ni Lacson na kasinungalingan ang sinasabi ni Marcos na nais isulong ng minority bloc ang Charter change upang palawigin ang termino ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kaya’t patuloy na ginagapang ang Senate leadership.

“Mali sya (Imee). Tama si Ping. Never namin pinag-usapan ang conass,” saad ni Sotto.

Isinalaysay ni Sotto na sa isang dinner nila kasama ang ilang golf friends at si House Speaker Bojie Dy ay inirekomenda ng kongresista ang isang regional representation subalit hindi naman niya kinatigan.

“In one dinner with some golf friends and Speaker Bojie, he mentioned an idea of suggesting a regional Senate representation. I never said it’s ok. Hindi marunong makinig yun source niya,” saad ni Sotto.

Idinagdag pa ni Sotto na kung aamyendahan ang konstitusyon, mas maiging ibaba ang edad para sa Presidente at mga senador.

“It’s simply friendly talk. The eavesdropper had misconception,” diin ni Sotto.

Kasabay nito, kinumpirma ni Sotto na siya ang naunang nagpahayag na si Senador Sherwin Gatchalian ang dapat na isulong bilang Senate President.

Tugon ito ni Sotto sa mga pumupuna na tila tahimik siya sa usapin ng Senate leadership.

‘Abogadong bobo at tamad’

Samantala, pinasaringan din ni Lacson si Atty. Rowena Guanzon makaraan nitong sabihin na nagtago din ang senador nang isyuhan ng warrant of arrest dahil sa Dacer-Corbito murder case.

Nanindigan si Lacson sa kanyang pahayag na anomang warrant of arrest ay walang pagkakaiba kahit pa ito ay inilabas ng international organization.

Ipinaliwanag ni Lacson na bagama’t pareho sila ni Senador Ronald Bato dela Rosa na tumakas sa warrant of arrest, sa kanyang panahon ay may pinanghahawakan siyang jurisprudence na nagsasabing maaari siyang mag-avail ng judicial remedy kahit wala siya sa hurisdiksyon ng korte.

Ito anya ang kanyang ginawa na kinalaunan ay nagtagumpay dahil naibasura ang kanyang warrant of arrest.

Hindi anya katulad ng sitwasyon ngayon ni dela Rosa na kinakailangang magpasakop na sa korte bago makapag-avail ng judicial remedy.

Iginiit ni Lacson na magkakaiba ang mga abogado kung saan ang iba ay totoo namang nag-aaral at bihasa habang ang iba ay bobo at tamad at ang iba ay walang ginawa kundi ipilit ang kanilang nalalaman na mali- mali naman.

May abogado pa nga anyang nagpipilit na ang warrant of arrest ay parang summon na maaaring idaan sa abogado ng akusado.

Galing Pagtatago

Para naman kay Sen. Bato, nagbigay ng payo si Lacson na galingan nito ang pagtatago kung ayaw mahuli o sumuko.

Pero kaakibat nito ay pinayuhan din niya ang law enforcement agencies na galingan ang paghahanap lalo na ang kanilang intelligence gathering.

Binigyang-diin ni Lacson na dapat gawin ng mga law enforcer ay mag-almusal, tanghalian, hapunan at merienda ng intelligence upang magtagumpay sa kanilang operasyon.

Pinuna rin ng dating hepe ng Pambansang Pulisya ang naging diskarte ng National Bureau of Investigation na dalawang babaeng ahente ang pinagtangkang umaresto kay dela Rosa.

Sinabi ni Lacson na kung matipunong tao ang aarestuhin, dapat tapatan din ito ng matitipunong alagad ng batas.

(DANG SAMSON-GARCIA)

69

Related posts

Leave a Comment