NANAWAGAN si Senior Citizens Party-list Representative Rodolfo “Ompong” Ordanes sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na i-overhaul ang kanilang sistema sa pamamahagi ng tulong sa gitna ng mga ulat ng pagkamatay ng ilang benepisyaryo habang nakapila.
Tinukoy ni Ordanes ang isang 73-anyos na senior citizen na namatay makaraang mabundol ng isang pickup truck habang nakapila para sa P20-per-kilo rice program at cash assistance distribution.
Isa pang 55-anyos na ginang ang nag-collapse at namatay habang naghihintay ng ayuda sa assistance distribution ng DSWD sa Quezon City Hall.
Sinabi ng kongresista na ang mga insidenteng ito ay dapat magsilbing babala na may problema sa sistema ng pamamahagi ng ayuda.
“Ito ay hindi simpleng aksidente lamang. Ito ay paalala na may mali sa paraan ng pagdadala ng serbisyo sa tao,” saas ni Ordanes.
Binanggit din nito ang pagkamatay ng isang motorcycle rider habang nakapila para sa P5,000 cash assistance payout.
Tanong ng solon kung ilan pang Pinoy ang mamamatay bago aminin ng mga ahensya ng gobyerno ang systematic problems sa implementasyon ng mga programa para sa ayuda.
“Nanawagan ako sa DSWD at sa pamunuan nito na itigil ang pag-aaksaya ng oras sa anomang gawain na nakatuon sa pagkuha ng atensyong pampubliko habang may mga kababayan tayong nahihirapan at namamatay sa pila,” diin pa ni Ordanes.
Hinimok niya ang DSWD na bigyang prayoridad ang pagsasaayos ng beneficiary databases, pagpapalawig ng digital at door-to-door distribution systems kung kinakailangan, pagsasaayos ng crowd management, pagtatayo ng hiwalay na lanes para sa senior citizens, persons with disabilities (PWDs), at mga maysakit at paggamit ng teknolohiya upang mabawasan ang oras ng paghihintay at exposure sa extreme weather conditions.
“Bilang kinatawan ng mga senior at miyembro ng gobyerno, hindi ko matatanggap na ang mga Pilipino ay nailalagay sa sitwasyong delikado para lamang makatanggap ng tulong,” diin ni Ordanes.
“Ang ayuda ay dapat nagliligtas ng buhay at hindi nagiging dahilan ng pagkawala nito,” dagdag nito.
83 