CLICKBAIT ni JO BARLIZO
UNTI-UNTI nang nagkakaroon ng duda ang marami sa direksyon ng pamumuno ni Atty. Ralph Calinisan sa National Police Commission o Napolcom.
Bilang Vice Chair at Executive Officer ng Napolcom, hawak ni Calinisan ang mabigat na responsibilidad na bantayan ang halos 250,000 miyembro ng Philippine National Police (PNP). Hindi maliit na trabaho iyon. Sa kanya nakasalalay ang pagpapatibay ng disiplina sa hanay ng pulisya at pagpapanumbalik ng tiwala ng publiko.
Kaya noong italaga siya ni Pangulong Bongbong Marcos noong Abril 2025, mataas ang inaasahan sa kanya—mula sa administrasyon, sa loob ng organisasyon, at maging sa publiko.
Sa umpisa, mukhang promising ang kanyang istilo: agresibo, articulate, at game humarap sa media. Pero habang tumatagal, kapuna-puna na para sa iba ang lideratong tila mas inuuna ang optics kaysa proseso.
Walang dudang matalino at masipag si Calinisan. Pero sa mata ng marami, tila madali siyang madala ng emosyon lalo na kapag personal na ang usapan.
Tulad na lang ng naging bangayan niya sa isang vlogger. Para sa ilang observers, red flag iyon. Delikado kapag ang isang opisyal na may hawak ng malawak na kapangyarihan ay madaling ma-trigger ng personal na isyu.
May perception tuloy na parang masyado siyang conscious sa public image at media mileage. At kapag may kamera, minsan parang mas nangingibabaw ang performance kaysa prudence.
Nitong Mayo 21, halimbawa, sa isang media briefing tungkol sa missing sabungero case, ibinandera ni Calinisan ang mga kaanak ng ilang biktima na nag-akusa ng umano’y suhulan na kinasasangkutan ng dalawang mataas na opisyal ng PNP.
Pero sa kabuuan ng press conference, tila hindi ang mga pulis ang naging sentro ng usapan. Parang naging venue ito para paulanan ng akusasyon ang isang pribadong abogado na hindi naman direktang saklaw ng kapangyarihan ng Napolcom.
Ayon nga sa ibang nakapanood, mas madalas pang mabanggit ang pangalan ng abogado kaysa sa dalawang opisyal na mismong iniimbestigahan. Kaya hindi rin nila maiwasang maitanong kung imbestigasyon ba iyon o public trial.
Bilang abogado, dapat alam ni Calinisan na hindi lang para sa nag-aakusa ang karapatan. May karapatan din ang inaakusahan.
Diyan siya pinupuna ngayon. Para kasing may pagkakataong mas pinipili niya ang popular narrative kaysa balanseng pagtingin sa hustisya.
Madaling pumogi sa publiko kapag “kampi sa biktima” ang branding. Pero ang tunay na sukatan ng liderato ay kung kaya mong pairalin ang patas na proseso kahit hindi ito mabenta sa kamera.
Hindi rin nakatulong ang naunang insidente kung saan tila nauuna ang public shaming bago ang imbestigasyon.
Tulad ng kaso ng isang pulis na agad niyang pinahiya kaugnay ng panunulak sa isang rider pero kalaunan, lumabas din na may pananagutan pala ang rider sa insidente. Ang problema ay tapos na ang damage. Napahiya na ang pulis sa publiko. Ibinasura rin ng korte ang kasong frustrated murder na isinampa laban dito sa direktiba ni Calinisan. Isa sa mga bumatikos sa kanya sa pangyayaring iyan ang dating hepe ng PNP na si Gen. Nick Torre III.
Ani Torre sa kanyang Facebook post, hindi dapat maging daan ang NAPOLCOM sa premature judgment laban sa mga pulis.
At iyan ang mas malaking concern ngayon sa liderato ni Calinisan, parang mas mabilis ang presscon kaysa fact-finding.
Sa panahon ngayon ng social media at viral headlines, tempting talagang gawing content ang bawat kontrobersiya. Pero hindi vlog ang pamahalaan. At lalong hindi dapat naghahabol ng clout ang isang ahensyang may mandato sa disiplina at hustisya.
Hindi kailangang laging bida ang lider dahil hindi rin ito laging tungkol sa sino ang pinaka-visible sa kamera kundi kung nasa tama pa bang direksiyon ang institusyong kanyang pinamumunuan.
93 