PINABUBUSISI ni Senador Joel Villanueva sa Department of Labor and Employment ang naging pagtugon ng construction company sa occupational safety at health standards sa gumuhong itinatayong gusali sa Angeles City, Pampanga.
Sinabi ni Villanueva, dapat isagawa ang imbestigasyon kasabay ng nagpapatuloy na rescue operations.
Nagpasalamat naman ang senador sa lahat ng mga kawani at ahensya ng gobyerno na patuloy na nagsusumikap na hanapin ang mga natitirang manggagawa na naipit sa gumuhong gusali.
Nabatid ng senador na nagkaroon ng inspeksyon noong Setyembre ng nakaraang taon, at ipinatigil ng DOLE ang paggawa roon matapos matuklasan ang mga paglabag sa OSHS.
Nais matukoy ng mambabatas na tukuyin ng DOLE kung naging maayos at sapat ba ang mga ginawang tugon ng kontratista at may-ari ng gusali sa mga naging paglabag, kahit na hindi na nagkaroon ng karagdagang pagsusuri sa kanilang construction site ngayong taon.
Nanawagan si Villanueva sa DOLE na bumuo ng isang task force na tututok sa mga pangangailangan ng mga nakaligtas na manggagawa at kanilang pamilya.
(DANG SAMSON-GARCIA)
104 