PAREHONG LEGAL AGE NA PERO, KATANGGAP-TANGGAP BA?

GEN Z TALKS ni LEA BAJASAN

TUWING may lumalabas online na relasyong malaki ang agwat ng edad, siguradong hindi mawawala ang mainit na diskusyon ng mga tao. Kahit ilang beses na itong napag-uusapan, palagi pa rin itong bumabalik sa sentro ng usapan sa internet. Ngayon naman, usap-usapan online ang isang babaeng nasa kalagitnaan ng trenta-anyos na nakikipagrelasyon sa isang bagong 18-anyos pa lamang. At gaya ng inaasahan, hati na naman ang opinyon ng mga tao. May nagsasabing wala namang problema dahil legal age na ang 18. May iba namang halatang hindi komportable kahit wala namang ilegal na nangyayari.

At doon nagsisimula ang tunay na usapan. Dahil minsan, hindi sapat ang “legal naman” para mawala ang pagdududa ng mga tao.

Parang para sa iba, may mahiwagang pagbabagong nangyayari pagpatak ng ika-18 kaarawan. Isang araw, menor de edad ka. Kinabukasan, bigla kang itinuturing ng mundo bilang ganap na mature na adulto na kayang pumasok sa kahit anong uri ng relasyon.

Pero alam naman nating hindi ganoon kasimple ang totoong buhay. Maraming 18-anyos ang hindi pa nga sigurado sa gusto nilang gawin sa buhay. May nag-aadjust pa lang sa kolehiyo. May umaasa pa rin sa allowance ng magulang. May hindi pa marunong humawak ng seryosong relasyon. Samantalang ang isang taong nasa trenta-anyos ay malamang ilang ulit nang napagod sa trabaho, nasaktan, nabigo, at natuto sa realidad ng buhay.

Kaya natural lang na mapaisip ang mga tao. Ano nga ba talaga ang pagkakapareho ng isang 34-anyos at isang kakalabing-walong taong gulang pa lamang? Hindi ito simpleng usapin ng bawal o legal. Usapin ito ng agwat sa karanasan. Dahil minsan, kahit parehong consenting adults sa papel, hindi pa rin pantay ang pag-iisip, emosyon, at estado sa buhay.

Pero kapansin-pansin din kung paano nagbabago ang reaksyon ng publiko depende sa kasarian. Kapag lalaking nasa 30s ang may bagong 18-anyos na nobya, mabilis siyang tawaging manyak, creepy, o mapagsamantala. Kapag babae naman ang mas matanda, biglang nagiging biro ang sitwasyon. May mga “sana all” pang komento na para bang nakatatawa lang ang lahat. Nakapagtataka kung gaano kabilis magbago ang moralidad ng internet depende kung sino ang mas matanda sa relasyon.

Sa totoo lang, kung hindi komportable ang tingin ng mga tao sa isang sitwasyon, dapat ganoon pa rin kahit baliktarin pa ang kasarian. Kung ang concern ay maturity at posibleng power imbalance, hindi dapat nag-iiba ang pamantayan depende kung lalaki o babae ang involved.

At oo, iba ito sa relasyon ng 30 at 45-anyos. Halos wala nang pumapansin sa ganoong age gap dahil pareho nang matagal na nasa yugto ng pagiging adulto ang dalawang tao.

Pareho nang may sapat na karanasan sa buhay. Pero ang 18 at 34 ay magkaibang yugto pa rin. Ang isa ay nagsisimula pa lamang, habang ang isa ay matagal nang nasa biyahe ng adulthood.

Hindi rin ibig sabihin na mali agad ang lahat ng relasyong may malaking age gap. Hindi naman numero lang ang basehan ng maayos na relasyon. May mga taong nagkakasundo talaga kahit malayo ang edad dahil magkalapit sila ng values, maturity, at pananaw sa buhay. Ginamit ko lang ang halimbawa ng 30 at 45 para ipakita na iba ang tingin ng karamihan kapag parehong matagal nang adults ang nasa relasyon, kumpara sa isang kakapasok pa lang sa adulthood.

Hindi ko rin naman gustong umasta na parang alam ko ang buong kwento ng relasyon ng ibang tao. Hindi lahat ng relasyong may malaking age gap ay awtomatikong mali o mapagsamantala. May mga relasyong maayos at tunay naman kahit malayo ang edad ng dalawang tao. Pero naiintindihan ko rin kung bakit maraming napapaisip sa ganitong sitwasyon. Dahil minsan, kahit walang nilalabag na batas, may mga tanong pa ring hindi basta nawawala.

At siguro iyon talaga ang dahilan kung bakit paulit-ulit itong pinagdedebatehan online.

Hindi dahil nalilito ang mga tao sa numero ng edad. Kundi dahil hanggang ngayon, hindi pa rin malinaw para sa marami kung saan ba talaga nagtatapos ang pagiging “legal” at nagsisimula ang pagiging “katanggap-tanggap.”

91

Related posts

Leave a Comment