CLICKBAIT ni JO BARLIZO
MARAMI ang nagtataka sa nangyari sa Senado kamakalawa nang biglang mag-walkout ang Minority bloc dahil sa usapin ng online at electronic voting na parang ngayon lang nila narinig ang konsepto ng remote participation sa lehislatura.
Dito naalala ng mga nakapanood ng panibagong ganap sa Senado na minsan ay mismong ilan sa kanila ang unang nagsulong nito.
Noong Hulyo 31, 2019, inihain ni Senador Panfilo “Ping” Lacson kasama ni dating Senate President Franklin Drilon ang Proposed Senate Resolution No. 51. Layunin nitong payagan si dating Senadora Leila de Lima — na noon ay nakakulong — na makadalo sa plenary sessions sa pamamagitan ng teleconferencing.
Sa mismong paliwanag ng resolusyon, sinabi noon na ang kawalan ng isang halal na senador sa mga sesyon ay “unduly deprives” o nagkakait sa milyun-milyong Pilipino ng tamang representasyon sa Senado. Dagdag pa rito, nababawasan umano ang “collective wisdom” ng buong kapulungan kapag hindi nakikilahok ang isang miyembro sa mga deliberasyon.
Hindi lang iyan.
Noong Pebrero 23, 2021, muling isinulong ang konsepto ng remote participation sa ilalim ng Proposed Senate Resolution No. 658. Inihain ito ni Drilon kasama nina Senadora Risa Hontiveros,
Senador Kiko Pangilinan, at dating Senador Ralph Recto.
Sa pagkakataong iyon, mas pinalawak pa ang panukala. Hindi na lamang plenary sessions ang sakop kundi maging committee hearings, gamit ang electronic communications at online platforms.
Sa madaling salita, noon ay malinaw na malinaw ang kanilang posisyon: pwedeng gamitin ang teknolohiya upang matiyak na may representasyon ang mamamayan kahit may extraordinary circumstances.
Kaya ngayon, marami ang nagtatanong: ano ang nagbago?
Kung noon ay ipinipinta nila ang remote participation bilang makatao, makabago, at demokratikong hakbang, bakit ngayon ay tila ipinapakita itong banta sa integridad ng Senado?
Hindi tuloy maiwasang makita ito ng publiko bilang isang malinaw na halimbawa ng political convenience.
Kapag kakampi ang makikinabang, “historic” at “progressive” ang polisiya. Pero kapag hindi na akma sa kasalukuyang interes pampulitika, bigla itong tatawaging delikado o iregular.
At dito mas nasisira ang kredibilidad ng ilang politiko.
Dahil ang prinsipyo, kapag tunay, hindi dapat nagbabago depende sa kung sino ang nakaupo o sino ang pinoprotektahan.
Mas lalo pang lumala ang impresyon nang piliin ng ilang senador ang mag-walkout imbes na makipagdebate.
Ang Senado ay hindi classroom na pwedeng layasan kapag hindi gusto ang takbo ng usapan. Hindi rin ito entablado para sa dramatikong eksena na madaling gawing headline.
Ang trabaho ng senador ay makipagtalo gamit ang argumento, hindi ang paglikha ng political spectacle.
At ang totoo, hindi naman bago ang hybrid setup at electronic voting. Noong panahon ng COVID-19 pandemic, pormal itong kinilala at isinabatas sa ilalim ng Senate Resolution No. 43, kung saan inamyendahan pa ang Rules 22 at 41 upang payagan ang hybrid sessions at remote voting kapag may national emergency o force majeure.
Ibig sabihin, hindi ito basta imbento lamang ng kasalukuyang Senado. Dumaan ito sa proseso, deliberasyon, at mismong pag-apruba ng institusyon.
Kaya naman may mga hindi maiwasang magtanong kung online voting ba ang tunay na usapin dito.
57 