OBSTRUCTION OF JUSTICE VS PADILLA, 5 IBA PA INI-REFER NA SA DOJ — CIDG

NA-REFER na ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa Department of Justice (DOJ) ang kasong obstruction of justice laban kay Senador Robinhood Padilla at lima pang indibidwal noong Mayo 26, ayon kay CIDG Director PMGen Robert Morico II.

Ayon kay Morico, kabilang sa mga kinasuhan ang umano’y tumulong sa pagtakas ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa, kabilang ang may-ari ng backup vehicle na ginamit bilang escort at anak umano ng tiyuhin ni Padilla.

Kasama rin sa kinasuhan ang isang babaeng security officer ni Dela Rosa habang hindi naman tinukoy ng CIDG ang partisipasyon ng tatlo pang iba.

Hindi naman makumpirma ni Morico kung tunay ngang namataan si Dela Rosa sa isang subdivision sa Angeles City, Pampanga noong Mayo 26 kung saan nagsagawa ng operasyon ang mga awtoridad.

Samantala, kahapon ng hapon ay sinabi ng DOJ na hindi pa nila natatanggap ang reklamong obstruction of justice laban kay Padilla.

Kinumpirma ito ni Prosecutor General Richard Fadullon sa panayam sa media nitong Huwebes.

Nag-ugat ang reklamo sa alegasyong tinulungan umano ni Padilla si Senador Ronald “Bato” dela Rosa na makaiwas sa mga awtoridad at makatakas palabas ng Senado.

(TOTO NABAJA/JULIET PACOT)

98

Related posts

Leave a Comment