NAIAHON nitong Huwebes ng umaga ang bangkay ng ikalimang nasawi mula sa gumuhong siyam na palapag na gusali sa Angeles City.
Bandang alas-8:03 ng umaga nang dalhin ng City Health Office ang bangkay ng lalaking biktima para sa Disaster Victim Identification o DVI procedures.
Ayon kay Angeles City Mayor Jon Lazatin II, isang cellular phone na narekober sa parehong lugar kung saan natagpuan ang bangkay ay pinaniniwalaang pag-aari ng biktima.
Patuloy pa rin ang search and rescue, retrieval at clearing operations sa ilalim ng Unified Command Management Option kung saan si Lazatin ang nagsisilbing Responsible Officer.
Nabatid na isang Jack Russell Terrier ng Philippine Coast Guard (PCG) ang unang nakatuklas sa lokasyon ng ikalimang biktima sa ground zero ng gumuhong gusali noong Miyerkoles ng gabi.
Ayon kay Angeles City Information Officer Jay Pelayo, bandang alas-6:18 ng gabi nang matagpuan ng mga responder ang bangkay ng hindi pa nakikilalang biktima na nakaipit sa ilalim ng mga guho.
Dinaig umano ng maliit na Jack Russell Terrier ang mga Golden Retriever ng ibang K9 rescue units matapos itong unang makaamoy at makatukoy sa lokasyon ng biktima.
Iniutos naman ni Interior Secretary Jonvic Remulla ang pagpapatuloy ng rescue operations sa pag-asang may maililigtas pang buhay mula sa mga construction worker na naiipit sa ilalim ng gumuhong istruktura.
Inihalimbawa ni Remulla ang nangyaring lindol sa Baguio noong 1990 kung saan may mga nailigtas pang survivor makalipas ang dalawang linggo.
Ayon sa ulat, ilan sa mga survivor noon ay nabuhay sa pamamagitan ng pag-inom ng tubig-ulan at sarili nilang ihi habang ang iba naman ay kumain pa ng tissue paper.
Samantala, nagpadala na rin si Baguio City Mayor Benjie Magalong ng pitong miyembrong search and rescue team na may dalang modernong kagamitan at posibleng magpadala rin ng mga minero mula Baguio upang tumulong sa rescue operations.
Ang mga minero mula sa Philex Mining Corp. at Benguet Mining Corp. ang ilan sa mga unang tumugon noon sa rescue operations matapos ang malakas na lindol sa Baguio noong 1990.
(ELOISA SILVERIO)
68 