Aksyon ng Senado sa impeachment, flood control STRATEGIC MOVE — POLITICAL ANALYSTS

INILARAWAN ng ilang political analyst bilang mabilis at estratehikong hakbang ang mga unang aksyon ng bagong liderato ng Senado kaugnay sa impeachment complaint at kontrobersiya sa flood control funds.

Ayon sa mga analyst, ipinakikita umano ng bagong mayorya na hindi ito nagpapaapekto sa mga kritisismo at ingay ng pulitika kundi nakatuon sa pagtupad sa tungkulin nito.

Sinabi ng mga eksperto na malinaw ang mensahe ng Senado na uunahin nito ang interes ng publiko kaysa sa mga internal na sigalot sa kapulungan.

Ipinunto rin ng mga analyst na walang naging pag-aatubili ang Senado nang matanggap nito ang mga artikulo ng impeachment mula sa Kamara dahil agad umanong naglatag ng sistema ang liderato upang tugunan ang proseso alinsunod sa Konstitusyon.

“Anoman ang opinyon ng publiko, ipinapakita ng Senado na sineseryoso nila ang mandato ng Konstitusyon na tanggapin ang kaso, mag-organisa, at suriin ang mga ebidensya nang walang kinikilingan,” ayon sa obserbasyon ng mga eksperto.

Ayon pa sa mga analyst, naging masalimuot ang tiyempo ng pagbabago sa liderato dahil kasabay nito ang mga usapin ng kudeta at mga imbestigasyon sa ilang senador.

Gayunman, sa halip umanong magpalamon sa intriga, pinili ng bagong mayorya na ipagpatuloy ang trabaho upang mapanatili ang katatagan ng institusyon.

Kaugnay naman sa kontrobersiya sa bilyong pisong flood control funds, sinabi ng mga analyst na direktang tugon ng bagong liderato ang pagbuo ng flood control subcommittee sa ilalim ni Senador Rodante Marcoleta.

Matatandaang hindi naging pinal ang ulat ng dating Senate Blue Ribbon Committee sa ilalim ni dating Senador Panfilo Lacson dahil sa kakulangan ng sapat na boto at lagda ng mga senador.

Ayon sa mga analyst, ipinakikita ng hakbang ng Senado ang layunin nitong mailabas ang katotohanan at makapagbigay ng konkretong solusyon sa problema sa imprastraktura.

Sa kabuuan, sinabi ng mga eksperto na mas nararapat umanong obserbahan muna ang aktuwal na trabaho at mga hakbang ng Senado bago ito husgahan.

Giit nila, nasa gitna ng mahahalagang pagsubok ang bansa kaya kinakailangan ang katatagan at hustisya imbes na dagdag na kaguluhan.

62

Related posts

Leave a Comment