MATATAG ang paninindigan ng limang pamilya ng mga nawawalang sabungero na hindi sila uurong sa kasong isinampa laban sa gaming tycoon na si Charlie ‘Atong’ Ang.
Sa ambush interview sa Department of Justice nitong Biyernes, sinabi ni Charlene Lasco, kapatid ng isa sa mga nawawalang sabungero, na hindi sila magpapasuhol kapalit ng pag-atras sa kaso.
“Limang pamilya na lang kaming natira na nagsusulong ng kaso kaugnay sa missing sabungeros case,” ayon kay Lasco.
Aniya, limang taon na nilang ipinaglalaban ang hustisya kaya hindi sila magpapabayad upang iurong ang reklamo.
“Marami ring mga emissary riyan, pero hindi ‘yun eh,” dagdag niya.
Nagtungo sa DOJ sina Lasco at iba pang pamilya nitong Biyernes upang magsampa ng reklamong obstruction of justice laban sa abogado umano ni Ang na si Atty. Caroline Cruz at iba pa.
Ayon sa mga pamilya, inalok umano sila ng pera kapalit ng hindi pagdalo sa mga pagdinig upang mapahina ang kaso laban kay Ang.
Batay sa reklamo, umano’y inalok ni Cruz ang 18 pamilya ng tig-P20,000 kada kinsenas at katapusan o kabuuang P40,000 kada buwan bilang tulong umano sa mga pamilya.
(JULIET PACOT)
66 