EDITORIAL
NAKATUON ngayon ang atensyon ng publiko sa Senado sa gitna ng samu’t saring kaganapan doon.
At gaya ng nakasanayan sa pulitika sa Pilipinas, nauna na namang dumating ang batikos kaysa pagtingin sa aktwal na ginagawa ng institusyon. Nang magkaroon ng pagbabago sa liderato ng Senado, mabilis ding lumutang ang samu’t saring paratang—may “hidden agenda” umano, may planong pagtakpan ang ilang personalidad, o may ginagamit na kapangyarihan para sa political maneuvering.
Ngunit bago magpadala sa mga hinala at intriga, mas makabubuting tingnan muna kung ano nga ba ang konkretong ginawa ng bagong mayorya sa kanilang mga unang araw sa poder.
Hindi pa man ganap na nakakapwesto ang bagong liderato ng Senado sa ilalim ni Senador Alan Peter Cayetano, agad na nitong sinalubong ang dalawang pinakamabibigat na usapin sa kasalukuyang pulitika: ang impeachment proceedings at ang matagal nang kontrobersiya sa bilyon-bilyong pondong inilaan para sa flood control projects.
Hindi rin biro ang sitwasyong kanilang nadatnan.
Sa mga nakaraang linggo, tila nasa gitna ng matinding political turbulence ang Senado. Kasabay ng pagdating ng impeachment articles mula sa House of Representatives ay umugong din ang mga usapin tungkol sa destabilization, alegasyon ng kudeta, bantang kaso laban sa ilang miyembro ng mayorya, at lantarang bangayan ng magkakaibang political blocs sa loob ng kapulungan.
Sa madaling salita, hindi simpleng leadership transition ang sinalubong ni Cayetano. Ang minana niyang Senado ay isang institusyong halos kinukubkob ng tensyon at kawalang-tiwala.
Pero sa halip na magpatangay sa ingay ng pulitika, agad na kumilos ang bagong liderato.
Sa usapin ng impeachment, hindi ito isinantabi, hindi ibinaon sa teknikalidad, at hindi rin pinatagal sa mga komiteng walang malinaw na direksyon. Nang makarating sa Senado ang impeachment articles, mabilis na inihanda ang mga kinakailangang hakbang upang maipakitang handa ang Senado na gampanan ang mandato nito bilang impeachment court.
At iyon naman talaga ang inaasahan ng publiko.
Mahalagang tandaan na ang impeachment ay hindi simpleng political spectacle. Ito ay isang constitutional process. Sa ilalim ng Saligang Batas, tungkulin ng Senado na dinggin ang reklamo, timbangin ang ebidensya, pakinggan ang depensa at mga taga-usig, at magpasya batay sa batas at hindi sa ingay ng propaganda.
Sa puntong ito, hindi mahalaga kung sino ang kinakampihan ng publiko o ng mga politiko. Ang tunay na sinusubok dito ay kung kaya bang pairalin ng Senado ang due process sa gitna ng matinding pressure mula sa magkabilang panig.
Kaya kung pagbabatayan ang naging unang hakbang ng bagong liderato, mahirap silang bansagang “duwag” o “tamad.” Sa halip na umiwas, direkta nilang hinarap ang obligasyong iniatang sa kanila ng Konstitusyon.
Kasabay ng impeachment, binuhay ng Senado ang isa pang usaping matagal nang bumabagabag sa sambayanan—ang kontrobersiya sa flood control funds.
Sa ilalim ng bagong liderato, bumuo ng dedikadong flood control subcommittee na pinamumunuan ni Senador Rodante Marcoleta. Mula pa lamang sa umpisa, malinaw na ang mensahe: walang “sacred cows,” walang protektadong personalidad, at walang dapat maging exempted sa imbestigasyon.
Mahalaga rin ang konteksto kung bakit malaking bagay ang pagbuhay sa usaping ito.
Noong mga nakaraang taon, napurnada ang malawakang imbestigasyon sa flood control projects na dating sinimulan sa Senado. Ang partial report noon ay hindi man lamang naisulong nang tuluyan dahil kulang sa pirma ng mga senador upang ma-sponsor sa plenaryo. Sa madaling salita, nanatiling bitin ang pagbusisi sa isa sa pinakamalalaking isyu ng paggastos ng gobyerno.
Ngayon, muling binubuksan ang usapin. At tama lamang iyon.
Kung seryoso ang gobyerno sa paglaban sa korupsyon at pagprotekta sa pondo ng bayan, hindi maaaring namimili lamang ng administrasyon, partido, o personalidad na iimbestigahan. Ang perang nawawala sa maanomalyang proyekto ay pera ng taumbayan—pera na dapat sana’y napunta sa mas maayos na flood mitigation, drainage systems, at proteksyon ng mga komunidad laban sa kalamidad.
Usapin ito ng pananagutan dahil sa dulo, hindi huhusgahan ang bagong mayorya batay sa kung sinu-sino ang bumubuo ng kanilang alyansa o kung anong kulay ng pulitika ang kanilang kinakatawan. Ang tunay na sukatan ay kung paano nila hahawakan ang mga sensitibong isyung nasa kanilang harapan.
Magiging patas ba ang pagdinig sa impeachment?
Magiging totoo ba ang imbestigasyon sa flood control anomalies?
May mga pangalan bang poprotektahan, o handa ba silang sumunod kung saan dadalhin ng ebidensya?
Iyan ang mga tanong na dapat bantayan ng publiko.
Kasabay nito, hamon din ito sa minorya at sa mga kritiko ng administrasyon. Natural at mahalaga ang oposisyon sa isang demokrasya. Trabaho nilang kwestyunin ang kapangyarihan at bantayan ang anomang posibleng abuso.
Pero sana, ang kritisismo ay nakabatay sa facts, proseso, at resulta—hindi sa automatic na pagdududa sa bawat hakbang ng mayorya.
Hindi porke nagkaroon ng reorganisasyon sa Senado ay agad na itong “power grab.”
Ang mas mahalagang usapin ay kung paano ginagamit ang kapangyarihang iyon.
92 