UMAKYAT na sa 20 ang bilang ng mga nasawi sa gumuhong nine-storey under-construction building matapos makuha ang tatlo pang bangkay kahapon mula sa guho sa Barangay Balibago, Angeles City, Pampanga.
Hanggang nitong Martes ay nagpapatuloy pa rin ang search, rescue and retrieval operations para sa mga pinaniniwalaang nalibing nang buhay sa bumagsak na gusali.
Narekober nitong Hunyo 2 ang karagdagang tatlong labi mula sa gumuhong siyam na palapag na gusali dahilan upang tumaas pa ang bilang ng mga nasawi.
Ayon kay Angeles City Public Information Officer Jay Pelayo, kabilang sa pinakahuling narekober ang labi ng isang batang babae, isang lalaki at isang babae.
Karamihan sa mga nasawi ay mga construction worker na natutulog sa mismong construction site nang mangyari ang trahedya.
Tinatayang nasa 70 katao ang nagtatrabaho sa construction site ngunit karamihan sa kanila ay nakauwi sa kani-kanilang bahay dahil weekend nang mangyari ang insidente.
Patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang ugat ng pagguho ng gusali.
(JESSE RUIZ)
106 