Sa iregularidad sa P2.2-B learning materials EX-EDUCATION MINISTER IQBAL KAKASUHAN SA OMBUDSMAN

MARIING iniutos ni Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Chief Minister Abdulraof Macacua ang pormal na pagsasampa ng mga kasong kriminal at administratibo laban kay dating Education Minister Mohagher Iqbal sa Office of the Ombudsman.

Ang mga kaso ay may kinalaman sa naging resulta ng special audit na isinagawa ng Commission on Audit hinggil sa umano’y iregularidad sa pagbili ng P2.2 bilyong-halaga ng learning at training materials.

Nabatid sa kanyang sulat kay Iqbal, sinabi ni Macacua na ang pagsampa ng mga kaso ang magbibigay kay Iqbal ng pagkakataon na sagutin ang habla at linisin ang kanyang pangalan.

Magugunitang si Iqbal ay sinibak sa pwesto bilang minister ng Ministry of Basic, Higher, and Technical Education (MBHTE) dahil sa naging resulta ng COA special audit.

Kaugnay nito, binalewala ni Macacua ang sinabi ni Iqbal na hindi siya binigyan ng due process sa pagtanggal sa kanyang puwesto, dahil mismong ang pagsagawa ng special audit ay ebidensiya na ng due process.

“To provide you further the opportunity to invoke due process and ensure full accountability, I shall immediately forward the final COA findings to the Office of the Ombudsman so that the appropriate criminal and administrative proceedings may commence without delay,” ang sabi ni Macacua.

“In that forum, you will have every opportunity to be heard. But those proceedings do not bar the Chief Minister from ending a coterminous appointment due to loss of confidence,” diin pa niya.

Samantala, binanggit din ni Macacua ang mga legal at factual na batayan ng pagsibak kay Iqbal at iginiit na hindi ito parusa tulad ng kanyang inaakala.

Kaugnay nito, ipinaalala ni Macacua kay Iqbal na ang kanyang appointment ay co-terminus sa Chief Minister hanggang may tiwala pa ito sa kanya.

Binanggit din ni Macacua ang isang Supreme Court ruling sa kasong Ong vs. Office of the President, et. al., kung saan sinabi ng korte na maaaring bawiin ng appointing authority ang co-terminus position sakaling mawalan na ang tiwala.

Sinabi pa ng Chief Minister na naging grabe ang resulta ng COA special audit dahil hindi lang si Iqbal ang nabahiran ang dungis kundi ang buong reputasyon ng BARMM bilang institusyon.

(PAOLO SANTOS)

92

Related posts

Leave a Comment