UMANI ng batikos si dating Iloilo City mayor at ngayo’y Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary for Public Safety Jed Patrick Mabilog matapos umanong pulitikahin ang Rice Program ng gobyerno, isa sa mga programang ipinatutupad sa pamamagitan ng local government units (LGUs).
Binatikos ni Anilao Mayor Matet Debuque, na siya ring Vice President ng League of Municipalities of the Philippines (LMP) Iloilo Chapter, si Mabilog dahil sa may halong pulitikang tugon nito sa kanilang pag-uusap sa airport.
Ayon kay Debuque, nang makita si Mabilog, na nagsilbing alkalde ng Iloilo City mula 2010 hanggang 2017, nagpasya siyang ipaabot dito ang kanyang mga alalahanin hinggil sa panuntunan at polisiya ng Rice Program ng gobyerno.
Gayunman, sinabi ni Debuque na nagulat siya sa naging tugon ni Mabilog dahil malayo ito sa kanyang inaasahan.
“When I approached him, I said, ‘Usec (Mabilog), I’m not asking for any project from you, but it’s good that you are now at the DILG. I just want to convey to you, please look into the guidelines and policies being downloaded by the DILG to LGUs, particularly the Rice Program. It seems unresponsive,'” pagbabalik-tanaw ni Debuque.
Aniya, paulit-ulit na sumagot si Mabilog ng, “Gugma ako, hindi ako Rise”, na tila tumutukoy sa tagline ng Iloilo City na “Rise Iloilo.”
Nang linawin niya kay Mabilog na Rice Program ang kanyang tinutukoy, sinabi ni Debuque na muli itong sumagot ng, “Gugma ako, hindi ako Rise.”
Kalaunan lamang niya naunawaan na ang tinutukoy ni Mabilog ay ang tagline ng Iloilo City. Noong 2025 elections, sinuportahan ni Mabilog ang Team Sulong Gugma na pinamumunuan ni Iloilo City Rep. Julienne “Jamjam” Baronda.
Matatandaang inabandona ni Mabilog ang kanyang posisyon at umalis ng bansa noong 2017 matapos siyang iugnay ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa illegal drug trade at sa napaslang na drug lord na si Melvin “Dragon” Odicta.
Tinawag din ni Duterte ang Iloilo City bilang pinaka-“shabulized” na lungsod sa bansa noong termino ni Mabilog.
Habang nagtatago sa ibang bansa, iniutos ng Office of the Ombudsman noong 2017 ang pagpapatalsik kay Mabilog dahil sa serious dishonesty matapos nitong mabigong maipaliwanag ang kwestiyonableng yaman na nagkakahalaga ng P8.9 milyon mula 2012 hanggang 2013.
Kahit nabigyan ng executive clemency ng Malacañang kaugnay ng administrative penalties sa kaso, nahaharap pa rin si Mabilog sa kasong graft sa Sandiganbayan kaugnay ng paggawad ng government contract sa isang towing services firm na mayroon siyang kinalaman.
Pagbalik niya sa bansa matapos ang termino ni Duterte, naghain si Mabilog ng piyansang P90,000 para sa kanyang pansamantalang kalayaan. (EG)
113 