INILARAWAN ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro bilang basura ang pabago-bagong testimonya ng 18 dating bodyguards ni ex-Cong. Zaldy Co sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng sinasabing flood control anomalies.
Ang pahayag ay kasunod ng pagkuwestiyon ni Senador Raffy Tulfo sa hindi pagbanggit ng mga dating Marines sa pangalan nina Senadora Loren Legarda at Senador Mark Villar sa mismong pagdinig, kahit kasama ang mga ito sa kanilang naunang mga affidavit.
“Iyong ganitong klaseng mga statements na pabagu-bago, hindi po ito makakapasa sa masusing pag-aaral at pagsusuri ng korte. Dito pa lamang ay makikita na natin kung anu-anong klase ang mga kuwento nila para makapanira lamang,” ani Castro.
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, kinuwestiyon ni Senador Raffy Tulfo ang kredibilidad ng 18 dating bodyguard na tinawag niyang “18 kargadors.”
Binatikos din niya ang pagtawag sa kanila bilang “18 marines” at “mga bayani.”
Ayon kay Tulfo, tila may mga taong nagsusubo ng impormasyon sa grupo dahil nahihirapan umano silang ilahad nang malinaw ang sarili nilang bersyon ng mga pangyayari.
(CHRISTIAN DALE)
46 