MAAGANG pinauwi ni acting Senate President Sherwin Gatchalian ang mga kawani ng Senado sa gitna ng mga ulat na may banta sa seguridad ng gusali. Idineklara rin nito ang work from home mula June 10-11 upang matiyak ang kaligtasan ng lahat. (DANNY BACOLOD)
IBINUNYAG ngayon ni Senate President Pro Tempore Sherwin Gatchalian na may banta sa seguridad ng Senado kaya’t nagpapatupad sila ngayon ng security adjustment.
Sinabi ni Gatchalian na batay sa impormasyon na kanilang natanggap mula sa mga awtoridad kasama na mula sa National Bureau of Investigation ay posibleng malagay sa panganib ang seguridad sa Senado
Gayunman, sinabi ni Gatchalian na hindi niya maisisiwalat ang detalye ng intelligence information.
Sinabi ng senador na kailangan nilang seryosohin ang impormasyon upang matiyak ang seguridad ng 24 senador at lahat ng halos 2,000 kawani ng Senado.
Bukod sa regular panelling o pag-iikot ng K9 bomb sniffing dogs sa lahat ng sulok ng Senado, mas mahigpit na rin ang inspeksyon sa mga sasakyang pumapasok sa loob ng compound.
Nagdagdag din ng mga pulis na naka-standby sa gate ng Senado at mayroon na rin silang inihaharang na security perimeters barriers.
Samantala, maaaring ilockdown ang Senado kung lilitaw na may clear and present danger sa seguridad ng Mataas na Kapulungan.
Ayon ito kay dating Senate President Vicente Tito Sotto. Hindi aniya, maaaring balewalain ang mga natatanggap na intelligence information at hindi dapat magpakampante.
(DANG SAMSON-GARCIA)
51 