DAPAT munang ayusin ng Senado ang kanilang sigalot bago magpatawag ng special session si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para talakayin ang mga nakabinbing panukalang batas.
Ito ang sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro kasunod ng mga panawagang magpatawag ng special session upang maipasa ang 21 priority measures ng administrasyon bago ang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo.
“Ang gusto po ng Pangulo ay mauna ang Senado na magkasundo dahil kahit sabihin natin na mayroong hiling ang Pangulo para sa isang special session, kung sila mismo po ay hindi magkakasundo, mababalewala po ang naisin ng Pangulo,” ani Castro.
Ayon kay Castro, mahihirapan ding magkaroon ng special session kung magpapatuloy ang power gridlock sa Senado.
Matatandaang sinabi kamakailan ni Castro na nakahanda si Pangulong Marcos na magpatawag ng special session kung pormal itong hihilingin ng grupong pinamumunuan ni Senate President Pro Tempore Sherwin Gatchalian.
Ito ay matapos mabalam ang pagtalakay ng Senado sa ilang panukalang batas at kumpirmasyon ng mga heneral dahil sa alitan sa liderato ng kapulungan bago ang sine die adjournment.
Ani Castro, agad na kikilos ang Pangulo kapag nakatanggap ito ng opisyal na kahilingan mula sa bagong liderato ng Senado.
Sa ilalim ng Artikulo VI, Seksyon 15 ng 1987 Constitution, ang Pangulo lamang ang may kapangyarihang magpatawag ng special session ng Kongreso anomang oras.
(CHRISTIAN DALE)
44 