CAYETANO NANAWAGAN NG PAGKAKAISA, PAGTUTOK SA RELIEF EFFORTS SA MINDANAO QUAKE VICTIMS

NANAWAGAN si Senate President Alan Peter Cayetano ng pagkakaisa sa hanay ng mga opisyal ng pamahalaan at publiko upang ituon ang atensyon sa pagtulong sa mga biktima ng malakas na lindol sa Mindanao.

“Mindanao is now. They need the attention now,” diin ni Cayetano matapos ang magnitude 7.8 na lindol na tumama malapit sa General Santos City nitong Lunes.

Ayon sa ulat ng mga awtoridad, nagdulot ang lindol ng pagkasira ng mga gusali, pagkawala ng kuryente at pagkamatay ng ilang residente sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao.

Binigyang-diin ni Cayetano na dapat isantabi muna ang mga usaping pulitikal at pagtuunan ng pansin ang agarang pangangailangan ng mga apektadong komunidad.

“Let’s focus on Mindanao and on the relief and rehabilitation especially mayroong lives that are at stake now,” pahayag niya sa isang press conference noong Hunyo 8.

Iginiit ng Senate President na dapat unahin ang rescue, relief at rehabilitasyon upang matulungan ang mga pamilyang naapektuhan ng kalamidad.

Ayon kay Cayetano, nakipag-ugnayan na ang mga miyembro ng kanyang grupo sa kanilang mga contact sa mga apektadong lugar upang alamin kung anong tulong ang kinakailangan.

Nanawagan din siya ng kooperasyon mula sa iba’t ibang sektor at organisasyon upang mapabilis ang paghahatid ng ayuda sa mga biktima.

Aniya, handa siyang makipagtulungan sa national government at iba pang grupo upang matiyak na makarating ang kinakailangang suporta sa mga lugar na sinalanta ng lindol.

“We have to put faith into action, meaning there’s no help that is too small or too big,” ani Cayetano.

Kasabay nito, muling isinulong ni Cayetano ang pagpasa ng Emergency Response Department (ERD) Act, isang panukalang matagal na niyang isinusulong mula pa noong 16th Congress.

Layunin ng panukala na magtatag ng isang centralized at mas aktibong ahensya na mangangasiwa sa disaster preparedness, emergency response at rehabilitasyon sa buong bansa.

Ayon kay Cayetano, makatutulong ang pagtatatag ng permanenteng departamento upang mapabilis ang koordinasyon ng mga ahensya ng gobyerno at mapalakas ang kakayahan ng bansa sa pagtugon sa malalaking kalamidad.

“Wala tayong dapat conflict kung may kailangan ang ating bansa. Dapat tanggalin ang pulitika,” pagtatapos niya.

90

Related posts

Leave a Comment