PAMUMULITIKA BUNGA AY KAHIRAPAN

RAPIDO ni PATRICK TULFO

SOBRANG lala ng pamumulitika sa bansa. Sa sobrang lala nito, naisantabi ang tunay na trabaho ng mga politiko, ang kapakanan ng mamamayan.

Mas mahalaga sa mga politikong ito na manatili sa kapangyarihan kaysa unahin ang kapakanan ng mamamayan.

Saan ka nakakita ng bansa na nagkakagulo dahil ayaw bumaba ng isang opisyal sa kanyang pwesto sa kabila ng kaliwa’t kanang hiling na siya’y bumaba na. Saan ka nakakita na ang mga opisyal ay kanya-kanyang hanap ng dumi sa kanilang mga kalaban, imbes na pagtuunan ng pansin kung ano ang kailangan ng mga umaasa sa kanila. Sa Pilipinas lang ‘yan!

Nakapapagod na. Nakauumay. Nakagagalit. Nakadidismaya ang walang tigil na pamumulitika sa bansa.

Kahit kanino ka mang kampo, sa administrasyon man o sa kalaban ng administrasyon, nakapapagod na ang tila pagpapaikot sa taumbayan. Walang katigil-tigil na batuhan ng baho.

Kung may ebidensya, magsampa ng kaso, kung wala kang maipakikitang pruweba sa mga sasabihin ay mas mabuting manahimik na lang at maghanap pa ng karampatang ebidensya.

Mas gumugulo ang ating bansa dahil sumasawsaw pa ang mga vlogger na puro fake news ang ipinakakalat. Muli, ito ay parte ng kanilang pamumulitika.

Hindi ba pwedeng umusad na tayo at hayaan na ang mga imbestigador na magsagawa ng kanilang imbestigasyon habang tayo ay nananatiling nakasubaybay?

Sa rami ng mga problema ng bansa, lalong naghihirap ang mahihirap. Mas bumabagsak ang ekonomiya. Habang mas inuuna pa ng mga politiko ang kanilang sariling interes. Nakasusuka na ang mga ganitong uring politiko. Dapat ngayon pa lang isipin na ng taumbayan kung sino at hindi dapat iupo sa gobyerno sa susunod na eleksyon.

104

Related posts

Leave a Comment