TINIYAK ng Philippine National Police (PNP) na nakapuwesto na ang lahat ng kinakailangang seguridad para sa pagdiriwang ng ika-128 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan ngayong Hunyo 12.
Ayon kay PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., wala silang namomonitor na anomang validated threat kaugnay ng selebrasyon, ngunit nananatiling nakaalerto ang buong hanay ng kapulisan.
Sinabi ni Nartatez na patuloy ang pakikipag-ugnayan ng PNP sa Armed Forces of the Philippines (AFP) upang higit pang mapalakas ang intelligence monitoring at security operations sa buong bansa.
“This is an annual activity that we prepare for every year. We trust our commanders and personnel for real-time security adjustments based on threat assessments, intelligence gathering and situation on the ground,” ani Nartatez.
Nabatid na naghanda rin ng kani-kanilang security plans ang lahat ng Police Regional Offices kasabay ng koordinasyon sa mga local government unit, event organizers at iba pang partner agencies upang matiyak ang maayos at mapayapang paggunita sa Independence Day.
Kabilang sa mga babantayan ng pulisya ang mga flag-raising ceremony, wreath-laying activities, civic at military parades, cultural presentations at iba pang pagtitipon na inaasahang dadagsain ng libu-libong mamamayan.
Masusing tututukan ng mga awtoridad ang mga pangunahing venue tulad ng Rizal Park, Andres Bonifacio Monument, Mausoleo de los Veteranos de la Revolucion at Pinaglabanan Memorial Shrine.
Samantala, pinalakas pa ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang deployment ng mga pulis sa Metro Manila.
Ayon kay NCRPO chief Police Maj. Gen. Anthony Aberin, itinaas sa mahigit 12,000 ang bilang ng mga pulis na ide-deploy mula sa dating mahigit 8,000 personnel.
Bukod dito, may mga naka-standby pang puwersa sa iba’t ibang kampo ng PNP na maaaring agad na pakilusin kung kinakailangan.
Ipapakalat ang karamihan sa mga pulis sa mga lugar na inaasahang pagdarausan ng mga kilos-protesta kasabay ng paggunita sa Araw ng Kalayaan.
Ayon kay Aberin, mas mabuting magtalaga ng mas maraming pulis upang matiyak ang kaligtasan ng publiko, lalo na sa mga lugar na inaasahang dadagsain ng mga raliyista.
Nananatili rin namang nakaalerto ang Southern Police District (SPD) sa paligid ng Senado dahil sa mga umiiral na banta sa seguridad.
Sinabi ni SPD Director Brig. Gen. Glenn Cinco na nakatanggap sila ng intelligence reports hinggil sa mga planong pagkilos ng iba’t ibang grupo sa southern Metro Manila.
Sa kabuuan, umabot sa 12,414 personnel at force multipliers ang ipinakalat sa Metro Manila, kabilang ang mga karagdagang puwersang itinalaga sa mga rutang dadaanan mula Malacañang hanggang Rizal Park, paligid ng Malacañang at sa bisinidad ng United States Embassy.
(JESSE RUIZ)
69 