PINAIIMBESTIGAHAN ng ilang stakeholder ang district collector ng Bureau of Customs (BOC)-Port of Cebu kaugnay ng umano’y mga iregularidad na may kinalaman sa isang pagawaan ng sigarilyo sa Mactan Export Processing Zone (MEPZ).
Batay sa reklamong inihain sa Office of the Ombudsman noong Abril 29, hinihiling na masiyasat ang posibleng kaugnayan ng BOC-Port of Cebu na pinamumunuan ni District Collector Alexandra Yap-Lumontad sa mga alegasyon ng paggamit ng pekeng opisyal na selyo at peke o falsified na commercial documents.
Ayon sa reklamo, ang mga naturang aktibidad ay maaaring lumabag sa Articles 161, 171 at 172 ng Revised Penal Code na may kinalaman sa forgery at falsification of documents.
Binanggit din sa reklamo ang posibleng paglabag sa Republic Act 10863 o Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), partikular sa mga probisyon hinggil sa unlawful importation o exportation at export misdeclaration.
Bukod dito, maaari rin umanong magkaroon ng pananagutang administratibo sa ilalim ng Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Republic Act 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.
Inirekomenda ng mga naghain ng reklamo ang pagsasagawa ng formal preliminary investigation upang matukoy ang lawak ng pagkakasangkot ng district collector sa usapin.
Hiniling din nila ang preventive suspension ng opisyal upang maiwasan ang posibleng pakikialam sa mga rekord habang isinasagawa ang imbestigasyon.
Nanawagan din ang mga stakeholder sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na beripikahin ang authenticity ng mga “sin tax” stamps na umano’y sangkot sa kaso.
Si Lumontad ay nailipat sa Port of Cebu noong Nobyembre 2025 matapos ang ipinatupad na balasahan ni BOC Commissioner Ariel Nepomuceno bilang bahagi ng kampanya laban sa smuggling at korupsyon sa ahensya.
Bago italaga sa Cebu, nagsilbi rin siyang district collector sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), Port of Cagayan de Oro at Port of Clark.
(JULIET PACOT)
105 