PANIBAGONG kasong legal ang kinakaharap ng tinaguriang 18 kargador matapos silang sampahan ng reklamong cyberlibel at/o perjury ni Iloilo Rep. Janette Garin kaugnay ng kontrobersiyal na “maleta” issue.
Inihain ni Garin ang reklamo sa Department of Justice (DOJ) nitong Miyerkoles laban sa 18 dating bodyguard ni ex-congressman Zaldy Co at kay Atty. Levito Baligod.
Ayon kay Garin, layunin umano ng mga paratang na nakatanggap siya ng mga maletang may lamang pera na sirain ang kanyang pangalan at hadlangan ang kanyang pagtupad sa tungkulin bilang kinatawan sa 20th Congress.
“Sinusumpa ko sa Diyos at sa puntod ng aking namayapang ama na wala akong natanggap ni pisong kusing na galing sa kanila,” pahayag ni Garin.
Iginiit din niya na hindi niya personal na kilala ang 18 bodyguards ni Co.
Aniya, sina dating Rep. Mike Defensor at Atty. Baligod lamang ang kanyang kilala dahil sa pulitika.
Ipinaliwanag ni Garin na natagalan ang paghahain ng reklamo dahil hinihintay pa niya ang kopya ng mga sinumpaang salaysay ng mga dating sundalo, ngunit hanggang ngayon ay wala pa rin umano siyang natatanggap na pirmadong affidavit.
(JULIET PACOT)
72 