HINIKAYAT ng beteranong abogado na si Atty. Ariel Inton si contractor Curlee Discaya na ilantad ang lahat ng kanyang nalalaman kaugnay ng umano’y malawakang katiwalian sa mga flood control project, lalo na kung mayroon siyang matibay na ebidensiya laban sa mga personalidad na kanyang itinuturong sangkot.
Ayon kay Inton, nabigong makakuha ng suporta si Discaya mula sa mga taong umano’y nakinabang sa kanyang operasyon, kabilang ang ilang politiko na sinasabing naging kaparte niya sa kita mula sa flood control projects.
Nagbanta si Discaya na isisiwalat niya ang nasa 150 pang personalidad na umano’y may kinalaman sa naturang anomalya matapos siyang pabayaan ng mga inaasahan niyang magpoprotekta sa kanya.
Sinabi ni Inton na halos isang taon na ang usapin ngunit hanggang ngayon ay wala pa ring napapanagot na malalaking personalidad.
Aniya, madaling maitatanggi ng mga mababanggit na pangalan ang anomang alegasyon at maaaring sabihing wala itong ebidensiya o bahagi lamang ng pulitika.
“After all, madaling sabihin lang ng isasangkot niya na walang kredibilidad si Curlee,” ani Inton.
Dagdag pa niya, mahirap paniwalaang nakakuha ng bilyun-bilyong pisong flood control projects ang mga kontratista kung wala silang malalakas na koneksyon sa matataas na opisyal.
Gayunman, binigyang-diin ni Inton na dapat samahan ni Discaya ng matitibay na ebidensya ang anomang pagbubunyag upang magkaroon ito ng bigat at kredibilidad.
Ayon pa sa abogado, tila malabo umanong makamit ang tunay na hustisya sa kasalukuyang takbo ng imbestigasyon sa flood control scam, bagama’t naniniwala siyang darating ang panahon na mananagot ang lahat ng sangkot kung mapatutunayan ang mga alegasyon laban sa kanila.
(JULIET PACOT)
64 