ATENEO COACH BALDWIN IPINA-SUBPOENA NG DOLE

IPINA-SUBPOENA ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang Basketball Coach ng Ateneo na si Tab Baldwin.

Sa press briefing, kinumpirma ni Labor Secretary Francis Tolentino na ipina-subpoena nila si Baldwin sa gitna ng isyu ng pagkasawi ng dalawang basketball player ng Ateneo sa kalagitnaan ng training sa Dipaculao, Aurora.

Ayon kay Tolentino, ito ay para alamin kung may valid na alien employment permit si Baldwin sa ilalim ng Labor Code.

Layon din nitong suriin kung saklaw ng alien employment permit ang pagsasagawa ng team building activities.

Bahagi rin ito ng beripikasyon ng Kagawaran upang matiyak na sumusunod sa mga umiiral na batas-paggawa ang lahat ng dayuhang nagtatrabaho sa bansa.

Binigyang diin ni Tolentino na hindi pag-uusig ang hakbang ng DOLE kundi bahagi lamang ng pagpapatupad ng batas at pagtiyak ng pagsunod sa mga regulasyon hinggil sa pagtatrabaho ng mga dayuhan sa Pilipinas.

Maaari namang kanselahin ang alien employment permit ni Baldwin sakaling hindi ito sumipot at ire-refer sa Bureau of Immigration sa posibleng deportation nito.

Kaugnay nito, nagpahayag ng pakikiramay ang pamunuan ng DOLE sa pamilya na naiwan ng dalawang nasawing player na sina Rene Baterbonia at Divine Adili.

Inihayag ito ni Tolentino kasabay ng re-launching ng DOLE Press Corps Office kung saan kinilala ang mahalagang papel ng media sa pagpapalaganap ng tama at napapanahong impormasyon para sa mga manggagawang Pilipino.

(JOCELYN DOMENDEN)

107

Related posts

Leave a Comment