NAGDEPLOY ng mobile water filtration system ang Philippine Army upang matugunan ang pangangailangan sa malinis na tubig ng libu-libong pamilya na naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol sa Sarangani at mga kalapit na lalawigan.
Ayon sa Philippine Army Humanitarian Assistance and Disaster Response (HADR) teams, nalinis na nila ang mga pangunahing kalsadang patungo sa mga isolated community at nasimulan na rin ang paghahatid ng ayuda sa General Santos City, Sarangani at Davao Occidental.
Sa General Santos City, tumutulong ang Army responders sa mga operasyon ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) habang nagsasagawa naman ng humanitarian missions ang Emergency Response Company sa mga barangay ng Labangal, Calumpang, Apopong at Fatima.
Nag-deploy din ang Army sustainment team ng mobile water purification system sa General Santos Medical Center upang makapagbigay ng malinis na inuming tubig sa mga pasyente, bantay at hospital personnel.
Kalaunan ay inilipat ang nasabing sistema sa Purok Filomena, Barangay Calumpang upang matiyak ang tuloy-tuloy na suplay ng potable water sa mga residente.
Samantala, patuloy na nagsasagawa ng search, rescue and retrieval operations ang dalawang Urban Search and Rescue teams ng 525th Combat Engineer Battalion sa Davao Occidental.
Tuloy-tuloy rin ang humanitarian assistance and disaster response operations ng Philippine Air Force katuwang ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at volunteer groups.
Mula sa Colonel Jesus Villamor Air Base sa Pasay City, inihatid ng PAF ang 1,000 ChariTimba relief packs ng Philippine Charity Sweepstakes Office sa General Santos City.
Isang C-295 aircraft ang nagdala ng unang batch na 270 relief packs habang isang C-130 aircraft naman ang naghatid ng karagdagang 730 packs.
Sa hiwalay na misyon, naghatid ang S-70i Black Hawk helicopter ng 480 DSWD family food packs at 450 packs ng bottled water mula sa Office of Civil Defense para sa mga residente ng Davao Occidental, Davao Oriental at Sorsogon.
Isa pang Black Hawk helicopter ang nagsagawa ng medical evacuation mission upang mailipat ang mga pasyente mula Sarangani patungong Cotabato para sa agarang pagpapagamot.
(JESSE RUIZ)
119 