NANAWAGAN si Speaker Faustino “Bojie” Dy III ng mas pinaigting na disaster preparedness at risk-based planning sa mga lokal na pamahalaan matapos ang malakas na lindol na tumama sa ilang bahagi ng Mindanao.
Sa panayam sa General Santos City, sinabi ni Dy na bagamat hindi mahuhulaan ang lindol gaya ng bagyo, maaari pa ring mabawasan ang panganib sa pamamagitan ng wastong pagpaplano at hazard mapping.
“Kapag may bagyo, nakakapaghanda tayo kung gaano kalakas yung bagyo o typhoon. Pero pagkadating ng earthquake, importante lamang malaman natin kung nasaan yung sentro, kung saan tatama. Para sa ganoon, ang pagpaplano ng local government unit ay maiayos,” ani Dy.
Binigyang-diin niya na dapat isaalang-alang ng mga lokal na pamahalaan ang lahat ng uri ng panganib tulad ng lindol, pagguho ng lupa at pagbaha upang maprotektahan ang mga residente at mabawasan ang bilang ng mga nasasawi tuwing may kalamidad.
“Katulad na kung halimbawa ay prone hindi lang sa earthquake kundi sa landslide at flood. Para sa ganoon makaiwas tayo sa mga aksidente. At sana laging unahin natin ang kapakanan at kaligtasan ng bawat Pilipino,” dagdag niya.
Nauna nang tiniyak ng Speaker na tutulong ang Kamara de Representantes upang masagot ang gastusing medikal ng mga nasugatang biktima ng lindol, maging sa pampubliko man o pribadong ospital.
Sinabi rin niya na makikipagtulungan ang mga mambabatas mula sa rehiyon sa pagtatasa ng pinsala sa imprastraktura upang maisama ito sa panukalang pambansang badyet para sa 2027.
Sa kanyang pagbisita sa General Santos City, muling iginiit ni Dy na kabilang sa mga prayoridad para sa rehabilitasyon ang pagkukumpuni ng mga ospital, paliparan, kalsada, tulay at iba pang mahahalagang pasilidad ng pamahalaan.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng agarang paghahatid ng ayuda sa mga apektadong komunidad, lalo na’t naapektuhan ng lindol ang transportasyon at operasyon ng mga responder dahil sa mga nasirang kalsada.
Ayon kay Dy, nakahanda ang Kongreso na suportahan ang parehong agarang ayuda at pangmatagalang rehabilitasyon ng mga lugar na sinalanta ng kalamidad.
“Kami po ay nakikiisa at nakikiramay at makaaasa po kayo sa amin pong patuloy na pagtulong para matiyak na makabangon po tayo nang sabay-sabay sa problemang ito,” ani Dy.
Pinangunahan ng Speaker ang mahigit 100 miyembro ng Kamara sa relief drive at nakipag-ugnayan sa mga lokal na opisyal at mambabatas sa Region XII upang matukoy ang mga agarang pangangailangan ng mga apektadong residente.
“Ang importante po dito, bilang mga Pilipino maging matibay po tayo. Babangon po tayo, sama-sama. Ito po yung importante, yung kooperasyon at tulungan ng bawat isa,” dagdag niya.
(TINA MENDOZA)
100 