AGAD ipinag-utos ang malawakang manhunt operation laban sa armadong kalalakihan na responsable sa pananambang na ikinasawi ng dalawa katao kabilang ang common law wife ng isang barangay chairman, at ikinasugat ng tatlong iba pa nitong Lunes ng umaga sa Barangay Salvacion, Albuera, sa lalawigan ng Leyte.
Ayon sa Leyte Police Provincial Office, nasawi sa ambush sina Maria Noya Velos, 51; at Sherwin Villones Gumop-As, 23, kapwa residente ng Brgy. Salvacion.
Si Velos ay sinasabing live-in partner ni Walter Taripe, punong barangay ng Salvacion.
Lumitaw sa inisyal na imbestigasyon, sakay ng isang Toyota Wigo ang mga biktima na patungo sa bayan ng Albuera nang tambangan ng hindi pa nakikilalang mga suspek bandang alas-7:00 ng umaga.
Kapwa tinamaan ng bala sa ulo ang mga biktima mula sa hindi madeterminang kalibre at uri ng baril, na naging sanhi ng kanilang dagliang kamatayan
Bukod sa dalawang napatay, sugatan din sina Daniel Gumop-As, 56; isang menor de edad na hindi muna kinilala, at ang 18-anyos na si John Carlo Israel Porneto, pawang itinakbo sa Ormoc District Hospital para malapatan ng lunas.
Agad nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga pulis sa pangunguna ni Police Major Franklin Romeo Parangan Jr., kasama ang mga tauhan ng Albuera Municipal Police Station, SWAT teams, laban sa mga suspek na mabilis na tumakas sa bulubunduking bahagi ng nasabing barangay matapos ang pamamaril.
Kasunod ito ng kautusan ni LPPO Director Col. Celerino Sacro Jr., para kilalanin ang mga responsable at alamin ang motibo sa likod ng pananambang.
(JESSE RUIZ)
108 