Maayos pang kalsada binabakbak DPWH PINAGPAPALIWANAG SA P140-M PROYEKTO SA LAGUNA

UMALMA ang ilang motorista at residente sa ginagawang pagbabakbak at rehabilitasyon sa bahagi ng Cavinti-Caliraya Road sa Laguna na ayon sa kanila ay nasa maayos pang kondisyon.

Batay sa naka-post na project billboard, aabot sa mahigit P140.4 milyon ang halaga ng proyekto para sa nasa 3 kilometrong asphalt overlay ng ilang bahagi ng naturang kalsada, na pinondohan sa ilalim ng FY 2025 General Appropriations Act at ipinatutupad ng DPWH Regional Office IV-A.

Sa mga kumakalat na video at pahayag sa social media, kinuwestiyon ng ilang mamamayan kung bakit isinailalim sa rehabilitasyon ang kalsadang anila’y hindi pa naman lubhang sira, habang may iba pang mga lansangan na mas nangangailangan ng agarang pagkukumpuni.

Ilan sa kanila ang nananawagan ng mas malinaw na paliwanag mula sa DPWH hinggil sa batayan ng proyekto at kung bakit ito isinagawa sa naturang lugar.

Sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag ang DPWH Regional Office IV-A kaugnay ng mga ibinabatong tanong ng publiko at puna tungkol sa proyekto.

Patuloy namang hinihintay ng mga residente at motorista ang paglilinaw ng ahensya upang matugunan ang mga agam-agam sa paggamit ng pondo ng bayan.

(NILOU DEL CARMEN)

89

Related posts

Leave a Comment