PATULOY na magsasagawa ang Philippine National Police ng komprehensibong security survey and inspection o SSI sa Senado bunsod ng nakumpirmang evolving security concern dito.
Batay ito sa advisory para sa lahat ng mga senador at tanggapan sa Senado na inisyu ni acting Senate President at Senate President Pro Tempore Sherwin Gatchalian.
Ayon kay Gatchalian, bahagi ito ng heightened security measures na ipinatutupad sa senado batay sa kanyang memorandum noong June 9.
Sinabi ni Gatchalian na makatutulong ang SSI para ma-evaluate ang kasalukuyang security measures sa senado, matukoy ang potensyal na kahinaan ng seguridad at magawa ang kailangang improvements upang matiyak na makatutugon ang security protocols sa kasalukuyang security concerns lalo na’t may idaraos silang special session ngayong Miyerkoles.
Sa advisory, sinabi ni Gatchalian na isasagawa ang SSI dahil sa persistent information and intelligence reports na ibinahagi ng National Bureau of Investigation, National Coordinating Agency at iba pang corroborating security assessments na nagkukumpirma sa evolving security concern.
Ang evolving security concern ay nasa ilalim umano ng konteksto ng heightened political tensions, nagaganap na impeachment proceedings, inaasahang mass mobilizations at mga delikadong aksyon na maaaring magdulot ng banta sa seguridad ng mga senador, mga opisyal at kawani ng Senado na maaaring makagambala, makapigil o makasagabal sa operasyon nito.
Mahigpit ang seguridad at ginagamit na ang under vehicle inspection system kung saan ini-scan ang ilalim ng sasakyan. Mahigpit din ang pagpasok kahit ng mga kawani at bawal ang mga bisita.
(DANG SAMSON-GARCIA)
51 