ISANG araw bago ang special session ng Kongreso, naghain ng petisyon sa Korte Suprema ang kampo ni Senador Alan Peter Cayetano upang ideklarang null and void ang naganap na June 3 session ng Senado.
Sa kanyang 87-pages na petition for certiorari, nais ng kampo ni Cayetano na magpalabas ng status quo ante order ang Korte Suprema kaugnay sa mga naging aksyon ng grupo ni Senador Sherwin Gatchalian noong June 3.
Hiling ng grupo sa Supreme Court na atasan ang Gatchalian bloc na itigil ang pagganap sa tungkulin bilang Acting Senate President kasama rin ang responsibilidad ng iba’t ibang committee na kanilang inihalal sa naturang araw.
Nais din ng grupo na ideklarang null and void ang deklarasyon ng quorum noong June 3 gayundin ang pagdedeklarang bakante ang lahat ng posisyon hanggang sa paghalal kay Gatchalian bilang Senate President Pro Tempore at sa iba pang opisyal sa Senado.
Iginiit sa petisyon na 13 senador ang kailangan para sa quorum at para sa paghalal ng mga opisyal ng Senado.
Bukod kay Cayetano, kasama sa naghain ng petisyon sina Senators Loren Legarda, Pia Cayetano, Jinggoy Estrada, Bong Go, Rodante Marcoleta, Imee Marcos, Robin Padilla, Camille Villar at si Atty. Jose Luis Montales.
Kapansin-pansin naman na hindi kasama sa petisyon sina Senator Joel Villanueva at Mark Villar.
(DANG SAMSON-GARCIA)
61 