NANAWAGAN si Senador Mark Villar para sa agarang pagpasa ng Senate Bill No. 1989 o Anti-Ticket Scalping Act upang maprotektahan ang mga mamimili laban sa mapagsamantalang bentahan ng tiket para sa mga konsiyerto, palaro at iba pang pampublikong kaganapan.
Ayon kay Villar, lumalala na ang problema sa ticket scalping kung saan maraming tiket ang binibili nang maramihan at muling ibinebenta sa sobrang taas na halaga.
“Marami na sa ating mga kababayan ang nakaranas na maubusan ng tiket dahil binibili ito nang maramihan at muling ibinebenta sa napakataas na presyo sa online at offline markets. Hindi ito tama,” ani Villar.
Unang inihain ng senador ang panukala noong ika-19 na Kongreso bilang Senate Bill No. 8273. Muli niya itong inihain sa ika-20 Kongreso bilang Senate Bill No. 1630 bago ito maisailalim sa Committee Report No. 51 bilang Senate Bill No. 1989.
Sa ilalim ng panukala, ipagbabawal ang hindi awtorisadong muling pagbebenta ng tiket sa presyong lalampas sa 10 porsiyento ng orihinal na halaga nito.
Target din ng panukala ang paggamit ng bots, pekeng account, huwad na pagkakakilanlan at iba pang mapanlinlang na pamamaraan upang makabili ng maraming tiket at malusutan ang mga limitasyon ng ticketing systems.
Inaatasan din ang mga event organizer at ticketing companies na magpatupad ng mga mekanismo laban sa ticket hoarding upang matiyak na ang mga tiket ay mapupunta sa mga tunay na mamimili at tagahanga.
May kaakibat ding multa at pagkakakulong para sa mga mapatutunayang lalabag sa batas, kabilang ang mga gumagamit ng automated technologies para manipulahin ang bentahan ng tiket.
Binigyang-diin ni Villar na layunin ng panukala na gawing patas at maayos ang sistema ng pagbebenta ng tiket sa bansa.
“Umaasa tayo sa agarang pagpasa ng panukalang ito upang matiyak na ang mga tiket ay napupunta sa mga tunay na tagahanga at hindi sa mga sindikatong scalper na nagsasamantala sa mga ticket buyers,” ani Villar.
(DANNY BACOLOD)
71 