TINAWAG ng National Citizens’ Movement for Free Elections (NAMFREL) na isang “kulang na tagumpay” ang pagpasa ng House Bill No. 8389 o Anti-Political Dynasty Act sa Kamara de Representantes.
Bagama’t kinilala ng grupo ang makasaysayang hakbang ng Kamara matapos ang halos apat na dekada mula nang iatas ng 1987 Constitution ang pagpasa ng anti-political dynasty law, iginiit nitong hindi sapat ang kasalukuyang bersyon ng panukala.
Ayon sa NAMFREL, sa halip na buwagin ang mga dinastiyang pampulitika, nililimitahan lamang ng HB 8389 kung sinu-sinong miyembro ng pamilya ang maaaring sabay na manungkulan sa iisang hurisdiksyon.
Binanggit ng grupo ang tatlong pangunahing kahinaan ng panukala.
Una, hanggang ikalawang antas lamang ng pagkakamag-anak ang saklaw nito kaya hindi kasama ang mga tiyuhin, tiyahin, pamangkin at unang pinsan na madalas ding bahagi ng mga political dynasty.
Ikalawa, pinapayagan pa rin umano ng panukala ang magkakapamilyang opisyal na humawak ng magkakaibang posisyon sa pambansa, panlalawigan at lokal na antas basta’t hindi sila nasa parehong hurisdiksyon.
Ikatlo, wala ring malinaw na probisyon laban sa paggamit ng party-list system bilang paraan upang mapalawak pa ang impluwensiya ng mga political dynasty.
Nagbabala rin ang NAMFREL na maaaring magsilbing “simbolikong reporma” lamang ang panukala at tuluyang hadlangan ang pagpasa ng mas mahigpit na batas sa hinaharap.
Tinutulan din ng grupo ang probisyong nagpapahintulot sa magkakamag-anak na parehong nanalo sa eleksiyon na resolbahin ang tunggalian sa pamamagitan ng pag-urong o palabunutan.
Ayon sa NAMFREL, hindi dapat nakasalalay sa suwerte o kasunduan ng pamilya ang resulta ng mandato ng mga botante.
Dahil dito, nananawagan ang grupo sa Kongreso na magpatibay ng mas komprehensibong anti-political dynasty law na sasaklaw hanggang ikaapat na antas ng pagkakamag-anak, magbabawal sa sabayang panunungkulan ng magkakapamilya sa iba’t ibang antas ng pamahalaan, sasaklaw sa party-list system, at magtatakda ng mas mahigpit na patakaran laban sa pagpapamana ng kapangyarihan.
Hinimok din ng NAMFREL ang Bicameral Conference Committee na gamitin ang mas mahigpit na bersyon ng Senado bilang batayan sa pagbuo ng pinal na panukala.
Nagbabala pa ang grupo na kung mananatiling mahina ang magiging pinal na batas, handa silang suportahan ang pagsusulong ng People’s Initiative upang direktang maiharap sa sambayanang Pilipino ang isang mas mahigpit na anti-political dynasty measure.
Ayon sa NAMFREL, ang mga political dynasty ay isa sa pinakamalaking hadlang sa malaya at patas na halalan at sa pantay na partisipasyon ng mga Pilipino sa pamahalaan.
78 