MAHIGIT 303,000 FOOD PACKS, IPINAMAHAGI NA SA QUAKE VICTIMS SA MINDANAO

MAHIGIT 303,000 kahon ng family food packs (FFPs) na ang naipamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga pamilyang naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao.

Ayon kay DSWD Disaster Response Management Group Assistant Secretary at spokesperson Irene Dumlao, magpapatuloy ang pamamahagi ng ayuda dahil marami pa ring komunidad ang nangangailangan ng tulong mula sa pambansa at lokal na pamahalaan.

“As of this morning, more than 303,000 family food packs ang naipamahagi sa mga pamilyang naapektuhan. Itutuloy natin ito dahil batay sa assessment ng DSWD at ng local government units, kinakailangan pa nating i-assist ang mga naapektuhan,” ani Dumlao sa panayam nitong Miyerkules.

Tiniyak din ng opisyal na sapat ang suplay ng relief goods ng DSWD upang matugunan ang mga karagdagang pangangailangan ng mga apektadong lugar.

“On the part of the DSWD, we are ready. We have more than 4.7 million family food packs sa ating national stockpile,” dagdag niya.

Batay sa pinakahuling ulat ng Disaster Response Operations Monitoring, Information and Communication (DROMIC), umabot na sa P223.4 milyon ang naipagkaloob na humanitarian assistance ng DSWD kabilang ang family food packs, ready-to-eat food, cash aid at iba pang non-food items.

Tiniyak din ng ahensya na mararating maging ang mga geographically isolated and disadvantaged areas (GIDAs) sa pamamagitan ng koordinasyon sa Philippine Coast Guard (PCG), Philippine Air Force (PAF) at iba pang ahensya ng pamahalaan.

Ayon kay Dumlao, gumagamit na ng air at sea transport upang maihatid ang mga pagkain at relief supplies sa mga lugar na mahirap marating dahil sa pinsalang dulot ng lindol.

“There were some challenges in the past few days dahil hirap pang puntahan, but we work closely with the Philippine Coast Guard and Philippine Air Force para ma-airlift ang family food packs and non-food items,” ani Dumlao.

Dagdag pa niya, alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyaking walang pamilyang Pilipino ang magugutom at walang maiiwan sa panahon ng sakuna.

(PAOLO SANTOS)

80

Related posts

Leave a Comment