INARESTO ng mga tauhan ng Manila Police District ang limang vendor sa Quiapo matapos matuklasang nagbebenta ng expired at pekeng produktog pagkain.
Kinilala ng pulisya ang mga naaresto na sina Melvin Imperial, Allen Bautista, John Clifford Sagun, Analyn Colangoy, at Geelyn Santillan, kasunod ng tip mula sa isang confidential informant.
Batay sa intelligence, nagsagawa ng surveillance at validation ang mga operatiba ng Special Mayor’s Reaction Team o S.Ma.R.T. sa ilalim ni Police Lt. Col. Edward Samonte, kasama ang mga tauhan ng Plaza Miranda Police Community Precinct o PCP, na pinamumunuan ni Police Major Fredwin L. Sernio, bago hulihin ang mga suspek.
Nakumpiska ng mga awtoridad ang iba’t ibang expired food products at merchandise na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P950,000, pati ang tatlong tampering device na ginagamit para baguhin at i-reprint ang expiration dates ng mga produkto.
Ang ginagawa umano ng mga suspek ay nililinis ang date labels ng produkto sa loob ng comfort room sa ikalawang palapag ng establisyimento kung saan nakuha sa isa sa kanila ang digital tampering device na ginagamit para mag-print ng pekeng expiration dates.
Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno Domagoso, napakadelikadong sitwasyon ito na posibleng mangyari pa sa ibang bahagi ng Maynila.
Babala ng alkalde, maaaring nakakamura at mukhang mura, pero hindi lahat ng mura ay maganda at may dahilan kung bakit ito ay mura o nasa mababang halaga lamang.
“Actual naaktuhan po natin na nagbebenta itong mga suspects ng mga expired products,” sabi ni Samonte kay Mayor sa “Talk to the People” Facebook livestream.
Ang mga suspek na maaaring maharap sa kasong paglabag sa Republic Act o RA 7394 o Consumer Act of the Philippines, at RA 10611 o Food Safety Act of 2013, ay isasalang sa inquest proceedings sa Office of the City Prosecutor ng Maynila.
(JOCELYN DOMENDEN)
71 