DUMATING na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Kazan, Russia nitong Miyerkoles para sa kanyang kauna-unahang state visit sa nasabing bansa mula nang maupo bilang Pangulo noong 2022.
Lumapag ang eroplanong sinasakyan ng Pangulo dakong alas-12:53 ng tanghali, oras sa Pilipinas.
Habang nasa Russia, nagtalaga si Pangulong Marcos ng tatlong Cabinet officials na magsisilbing government caretakers upang matiyak ang tuloy-tuloy na operasyon ng pamahalaan at walang magiging pagkaantala sa mga desisyon ng ehekutibo.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, sina Executive Secretary Ralph Recto, Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella III at Labor Secretary Francis Tolentino ang inatasang gumanap bilang caretakers ng administrasyon.
Gayunman, hindi saklaw ng kanilang kapangyarihan ang mga usaping kinakailangang personal na desisyunan ng Pangulo sa ilalim ng Konstitusyon, kabilang ang mga may kinalaman sa national security, military at police organization.
Nilinaw rin ni Castro na kinakailangang magkakaisa ang tatlong opisyal sa lahat ng desisyong kanilang gagawin habang nasa ibang bansa ang Pangulo.
“Any disagreements will be referred to the President for resolution,” ayon sa Malacañang.
Layunin ng pagbisita ni Pangulong Marcos na higit pang palakasin ang relasyon ng Pilipinas at Russia sa pamamagitan ng mutual respect, dialogue at cooperation.
Bilang chairman ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ngayong taon, lalahok si Marcos sa ASEAN-Russia Commemorative Summit kung saan tatalakayin ang kooperasyon sa larangan ng seguridad, kalakalan, enerhiya at food security.
Nakatakda rin siyang makipagpulong kay Russian President Vladimir Putin upang talakayin ang mga usapin ng mutual interest sa pagitan ng dalawang bansa, partikular sa energy at food security.
Kasabay rin ng pagbisita ang paggunita sa ika-50 anibersaryo ng diplomatic relations ng Pilipinas at Russia.
(CHRISTIAN DALE)
93 